Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO
BASE sa ating pag-iimbestiga, ‘yun palang kotongan isyu sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay ‘diversionary tactics’ ng mga sangkot sa illegal drugs? Matatandaan natin kamakailan ay isinasangkot sa kotongan isyu sina Jerome Martinez, ng SBMA Seaport Department, at Rico Reyes, consultant, na nangikil umano ng pera sa truck importers at traders na inireklamo sa isang politician.
Ang isyung ito ay humantong pa sa dayalogo sa Boardroom ng Administrator Building ng SBMA na pinangunahan ni Chairman Administrator Jonathan Tan, at isang politician na galit na galit na kasama sa nasabing meeting.
Nakatanggap ng impormasyon ang “Imbestigahan Natin” na dahil sa kotongan isyu ay sinuspinde umano sina Martinez at Reyes.
Ngayon habang lumalamig ang imbestigasyon sa kotongan isyu ay lumalabas na ‘diversionary tactics’ pala ito ng sindikato ng illegal drugs.
Ang nasa likod pala ng sunod-sunod na mga pagpapakasabat sa joint operation ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensiya ng gobyerno, sa bulto-bultong shabu sa iba’t ibang lugar kamakailan, ay ang politician.
Siya ay kasama sa inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na narco-list noon, bumalik na raw ito sa kanyang ilegal na gawain.
Minsan na itong nagtago sa ilalim ng administrasyon ni Duterte dahil sa kaliwa’t kanang napapatay na politicians na kasama sa nasabing listahan.
Sa pinakabagong natanggap na impormasyon ng “Imbestigahan Natin”, panibagong 323.18 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P2.10 bilyon, ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port (MCIP).
Sinabi ni PNP chief, Gen. Benjamin Acorda, ang P2.10 billion worth ng shabu ay bahagi ng narekober na 530 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon.
Sa pamamagitan ng ‘controlled delivery operation’, pinalusot muna ng mga awtoridad ang mga naturang shabu sa SBMA, at saka sinalakay ang isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Ang matagumpay na joint operation ay isinagawa ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), SBMA, National Bureau of Investigation (NBI), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Pinaniniwalaan na ang narco-politician na dati nang isinama ni Duterte sa ‘drug matrix’, ay bumalik na sa dati niyang ilegal na operasyon.
Hindi umano makalusot sa SBMA, sa ilalim ng pamumuno ni Tan, ang ilegal na droga kaya ang opisina nito ang pinupuntirya ng sindikato sa pamamagitan ng ‘diversionary tactics’ o inililihis ang isyu sa korapsyon sa kanyang tanggapan.
Kailangang matumbok ng mga awtoridad ang narco-politician na ito para matigil na ang kanyang paghahasik ng lagim sa mga Pilipino.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
252