AABOT sa halos P70 milyong halaga ng mga pekeng produkto ang nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs-Intelligence Group (BOC-IG), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Intellectual Property Rights Division (IPRD) at Armed Forces of the Philippines sa storage units ng isang shopping mall sa Binondo, Manila noong nakaraang Linggo.
Armado ng Letter of Authority na pirmado ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, ginalugad ng mga miyembro ng raiding team base sa impormasyon at reklamo ng Baranda & Associates ang mahigit 70 storage units ng mall kung saan nakatago ang mga pekeng produkto.
Kabilang sa mga natagpuan sa loob ng bodega ay mga smuggled goods tulad ng mga replica items na brand ng Silka, Likas Papaya, Spiderman, Hello Kitty, Coach, Long Champ, Cath Kidston, Anello, Louis Vuitton, Lacoste, Red Bull, Dove, Lux, Prada, Gucci, Chanel, Cetaphil, Balenciaga, Kate Spade at Fred Perry.
Mayroon ding mga produkto ng Head & Shoulders, Pantene, Rejoice, Sony, Awei, Cars, Mickey Mouse, Frozen, Champion, DKNY, Marc Jacobs, Bench, Starbucks, Yves Saint Laurent, Max Man, Viagra, Cialis, Tory Burch, Tommy Hilfiger, Nike, Hollister, at maraming iba pa.
Ang mga produkto ay ipapasuri upang matiyak ang authenticity ng mga ito.
Base sa Customs Modernization and Tariff Act at Intellectual Property Code of the Philippines, ipinagbabawal ang importasyon ng pekeng produkto. (Joel Amongo)
134