DAHIL sa matagumpay na pagpasa sa ‘initiation stage’ ng Performance Governance System (PGS), binuo ng Bureau of Customs ang kanilang Multi-Sector Governance Council (MSGC) na sa ibang organisasyon ay tinatawag na advisory council.
Pinangunahan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang pagbuo ng MSGC na binubuo ng sectoral leaders at kinatawan na tatayong external advisory group na naatasan upang magbigay ng ekspertong payo sa Bureau of Customs (BOC).
Layon ng pagtatayo ng MSGC na pagtulung-tulungan ang pagtupad sa layunin at pangitain ng BOC na mapalakas at mapatatag ang kanilang tanggapan upang maabot ang Customs administration at global standard.
Inaasahang ang mga bumubuo ng MSGC ay magbibigay ng kani-kanilang payo at pag-alalay upang matupad ng BOC ang kanilang target pagdating sa performance bukod pa sa hangad na maging full automation ng Customs operational processes.
Iginiit ni Guerrero na bukas siya sa anumang suhestiyon ng mga miyembro ng MSGC na mas lalong magpapabuti at magsasaayos ng serbisyo ng BOC.
Ang MSGC ay pinamumunuan mismo ni Guerrero at tumatayong co-chairman si Dr. Jesus Estanislao. (Joel O. Amongo)
145