(Ni JO CALIM)
Aabot sa P24 milyon agri-products ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Manila International Container Port (BOC-MICP) sa limang shipments na nagmula sa bansang China kamakailan.
Ang misdeclared shipments na kung saan ay dumating sa MICP sa magkakahiwalay na petsa noong nakaraang buwan ay inisyuhan ng kaukulang alert orders matapos madiskubre sa isinagawang eksaminasyon ng BOC officers na may kakulangan sa timbang at tamang halaga ang shipments.
Base sa x-ray at physical inspection, ang shipments ay deklaradong mansanas, oranges at pears na may kasamang carrots, onions at potatoes.
Apat sa limang shipments ay naka-consign sa Ingredient Management Asia Inc., at isang Mcrey International Trading.
Ang nasabat na carrots ay tinatayang nagkakahalaga ng P15 milyon, habang ang sibuyas ay may halagang P4 milyon at ang patatas ay may halagang P5 milyon.
Nauna rito, ay naghigpit ang MICP laban sa smuggling ng agricultural products para sa pagtupad ng kanilang mandato para protektahan ang mga magsasaka laban sa mga kakompetensya nilang produkto na nagmumula pa sa ibang bansa.
Ang nasabat na kargamento ay nasa pag-iingat ng Customs simula nang hindi masakop ng anumang Phytosanitary Permit mula sa Bureau of Plant Quarantine na posibleng magdala ng sakit at peste na makaaapekto sa local agriculture.
Nasabat din ang shipments na lumabag sa Sections 1400, 1113 at 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), RA 3720 o ang Food, Drug and Cosmetic Act at RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
131