(Ni Joel O. Amongo)
Napigilan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) sa pamumuno ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ang tangkang pagpupuslit sa bansa ng isang pinay ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P40.8 milyon nitong Biyernes, Nobyembre 8 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Batay sa ulat, ang suspek na si Marie Rusol, 28, ay pasahero ng flight 5J258 mula sa Siem, Reap, Cambodia na lumapag sa Terminal 3 ng NAIA na may bitbit na back pack na naglalaman ng Methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na ‘shabu’.
Nabisto ang ilegal na kontrabando nang isalang sa x-ray machine ang backpack kung saan nadiskubre ang imahe na nakabalot sa tea foil pack.
Matapos isailalim ng mga tauhan ng CAIDTF ang puting pulbos sa eksaminasyon, nakumpirmang ito ay shabu na tumitimbang sa anim na kilo.
Samantala, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), iniulat na ang nakumpiskang kontrabando mula sa Pinay ay inilipat sa kustodiya ng ahensiya.
Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
156