IMBESTIGAHAN NATIN ni JOEL O. AMONGO
KAMAKAILAN, sinabi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio na isusulong niya ang “rewards and incentives system” sa mga empleyado at opisyal ng ahensyang kanyang pinamumunuan.
Ayon sa kanya, gagawaran niya ng gantimpala ang mga empleyado at opisyal ng Customs na makaaabot sa kani-kanilang collection targets.
Ang pagsusulong ng pagkakaloob ng gantimpala ay para tumaas ang morale at para sa kapakanan na rin ng mga empleyado at opisyal ng Customs.
Pinamadali ni Rubio ang proseso sa lahat ng mga kinakailangan (prerequisites) na may kaugnayan sa customs application for rewards para sa 2018 revenue collection performance ng ahensya sa ilalim ng RA No. 9335 o mas kilala bilang Attrition Act of 2005.
Itinatag ang Revenue Performance Evaluation Board (RPEB) sa ilalim ng RA 9335, na binubuo ng Secretary of Finance bilang chairperson, Secretaries of Budget and Management, at National
Economic and Development Authority, bilang voting members.
Kasama rin dito ang mga kinatawan mula sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue (BİR) na magsisilbi naman bilang non-voting members.
Natapos na ang lahat ng mga kinakailangan para sa aplikasyon, nagsagawa ng pamamahagi at distribusyon ng rewards para sa 2018 revenue performance noong Nobyembre 22, 2023, matapos
talakayin ng board ang BOC’s application.
Nariyan na rin ang budget para sa ‘rewards and incentives system’ para sa tuloy-tuloy na reward and incentives system sa karapat-dapat na BOC officials and employees.
Kung may pabuya man sa mga ito, lalo na ang makalalagpas sa kani-kanilang collection targets, siyempre mayroon din namang matatanggap ang mga mabibigo.
‘Yun nga lang, sa kanila ay parusa ang ipagkakaloob, hindi lang natin alam kung ipatatapon sila sa kangkungan o ilalagay sa “non-juicy” position.
‘Yun naman pala, patas ang pagtrato sa kanila ni Comm. Rubio, kaya kung ako sa inyong mga empleyado at opisyal ng Customs, kung gusto n’yong maging mabango kayo sa inyong boss, magsipag kayo para may gantimpala kayo mula sa kanya.
Kahit ako man kay Rubio, kung ako ang hepe ng BOC ay gagawin ko rin ‘yan, kinakailangang maabot nila ang kani-kanilang target kung hindi ay may paglalagyan sila sa akin, sa Customs kasi nakamandato ang pagkolekta ng duties and taxes.
Kung hindi nila maaabot ang kanilang mga target, tapos umaapaw naman ang kanilang mga kayamanan, talo ang taumbayan niyan.
Kaya tama lang ang gagawin ni Comm. Rubio na bigyan ng pabuya ang maayos magtrabaho at patawan naman ng parusa ang mabibigo.
‘Pag hindi kasi pinag-isipan ng diskarte ang trabaho ng Customs ay marami sa kanila (empleyado at opisyal) ang hindi magtatrabaho nang maayos at siyempre hindi nila maaabot ang kani-kanilang targets.
Kung mababa ang revenue collection ng BOC sa duties and taxes, apektado ang mga proyekto ng gobyerno na pinopondohan ng Customs.
Hala sige, Commissioner sir, babantayan namin ang resulta ng inyong reward and incentives system kung ilan ang makatatanggap ng pabuya at ilan naman ang mapapatawan ng parusa, good luck po!
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text cell# 0977-751-1840.
1013