“TARA” SYSTEM SA BOC MULING NAGPASABOG

DALAWANG nagpakilalang umano’y mga “bagong-luma na bagman” sa Bureau of Customs ang umiikot na naman sa mga lehitimong consignee para sa “tara” o protection money ng bagong pamunuan ng Aduana sa bansa.

Sa sumbong na ipinarating sa Newsblast Insight Team, pinangalanan ang dalawa na sina alyas Lloyd at alyas Abu na umano’y nagpapakilalang “katiwala” ng bagong upong BOC Commissioner na si Rey Guerrero at ng deputy nitong si Raniel Ramiro.

“Panakot nina Lloyd at Abu sa amin ang agarang pag-alert sa aming mga kargamento kung hindi raw kami magbigay ng lingguhang protection money na dati na rin nila ginagawa noong panahon pa ni Lapena at Dellosa,” pahayag ng isang consignee sa NIT.

Matatandaan na pumutok na rin noon ang pangalan ni Lloyd na siyang nagkaladkad sa pangalan ng sinibak na si Lapena sa “tara system,” at si Abu naman ang pumutok na pangalan bilang bagman ng opisina ng noon ay Intel DepComm na si Dellosa.

Nanawagan kay Pangulong Duterte ang mga lehitimong mangangalakal sa mga Aduana ng bansa na utusan si retired Gen. Guerrero na unahing ipaaresto sina Lloyd at Abu upang maging makatotohanan ang paglilinis ng mga kalawang sa ahensiyang tinawag na pinaka-korap.

“Ang militarisasyon sa Aduana ay walang saysay kung hindi kaya ng bagong upong grupo ng dalawang retiradong heneral na sina Guerrero at Ramiro ang pagpa-aresto at pagpapakulong kina Lloyd at Abu na nagsisilbing kalawang sa kagawaran,” pahayag pa sa NIT ng nagsusumbong na consignee.

Ipinagmamalaki pa umano nina Lloyd at Abu sa mga lehitimong consignee ang kanilang mga nalalaman na mga sikreto at sensitibong impormasyon sa loob ng opisina ni Comm Guerrero ‘tulad ng napipintong appointments umano ng mga sumusunod na opisyales para sa iba’t-ibang matataas na pwesto sa BOC: Teodoro Jumamil, Manuelito Luna, Gregorio Contacto, Eduardo Bringas at Benny Nicdao.

“Sa pagbibigay sa amin ng mga sikreto at impormasyon ng mga nangyayari at mangyayari pa sa BOC ay intensiyon nina Lloyd at Abu na ipabatid sa amin na totoong sila ang may basbas para mangolekta ng weekly na “tara” o protection money,”pagtatapos na pahayag sa NIT ng nagsusumbong na consignee.

11

Related posts

Leave a Comment