International referee Carlos “Sonny” Padilla, Jr. malaki utang na loob kay Pres. Marcos

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

NALUKLOK ang maalamat na Pilipino boxing referee Carlos “Sonny” Padilla, Jr. sa Nevada Boxing Hall of Fame noong 2020. Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic, nitong Agosto 2022 lamang naituloy ang seremonya sa Las Vegas, Nevada, USA.

Isinilang noong 1934, ang 88 anyos na ngayong si Sonny ay isang retiradong referee/judge. Bago ito, naging aktor din siya bago nagdesisyon, kasama ang maybahay na si Esperanza at buong pamilya, na permanente nang manirahan sa Amerika.

Si Sonny, anak ni 1932 Los Angeles Olympian Carlos Padilla, Sr., ay sumikat bilang ­reperi, 47 taon na ang nakalilipas, matapos maging ‘third man’ sa ibabaw ng ring sa matagumpay na “Thrilla in Manila” sa pagitan nina ­heavyweights Muhammad Ali at Joe Frazier.

Ang itinakdang 15-round bout noong Oktubre 1, 1975 ay ginanap sa Araneta Coliseum, bininyagan bilang Philippine ­Coliseum ni noo’y Pangulong Ferdinand Marcos upang ipakilala ang Manila bilang pangunahing lungsod ng bansa. Tinagurian ding “Fight of the Century,” at “Super Fight 3”, tumagal lang ang laban ng 14 rounds matapos ihagis ang puting tuwalya (tanda ng pagsuko) ng kampo ni “Smokin Joe” sa pangunguna ni Hall of Fame trainer Eddie Futch.

Lingid sa kaalaman ng ­marami, hindi naging madali ang pagpili kay Sonny, ama ng ­singer-actress na si Zsa Zsa Padilla, dahil kontra sa kanya ang kampo ni Frazier at mismong promoter na si Don King. Katwiran ng huli: “He’s too small in size that he might not be able to control the fight.”

Idagdag pa rito na ayaw ni Futch mangyari muli ang kaganapan sa pangalawang laban ng dalawang boksingero noong Enero 1974, nang manalo si Ali at makabawi sa TK0 loss sa ­unang paghaharap nila ni Frazier noong 1971 sa Madison Square Garden. Giit ni Futch, nagkamali si referee Tony Perez nang ipatigil ang salpukan sa second round sa pag-aakalang tapos na ang round, bagama’t may 25 segundo pang nalalabi sa orasan.

Ang kontrobersiya ay naging major issue na nagbunsod kay Pangulong Marcos na makialam na. Ipinatawag niya si noon ay Games and Amusements Board Chair Luis Tabuena para pulungin at kumbinsihin ang mga sumasalungat kay Padilla at sa mga Pilipinong judge na sina Lary Nadayag at Alfredo Quiazon. Pinatunayan naman ng tatlo ang kakayanan nila matapos ang matagumpay na Thrilla nina Ali at Frazier.

“Madunong naman ako ng boksing, dito ako lumaki. Ang tatay ko boksingero, ang tiyo ko (Jose Padilla, Jr.) boksingero. I know my boxing, it’s the sport where I grew up,” pagtatapat ni Sonny sa reporter na ito makaraan ang laban. “It wasn’t rea­lly that hard for me to officiate that fight. Both Ali and Frazier are intelligent and clean fighters na wala namang intensyon na manggulang.”

Dagdag ng tinanghal na ­Referee of the Year noong taon ng Thrilla: “I was very happy and at the same time honored for having been selected to do the job, not only for myself and my family, but for the country as well and our people.

“Modesty aside, I believe I had a part in making the fight a real Thrilla in Manila. In the first few rounds, I saw Ali tiring and trying to resort to holding and wrestling. I warned him. Twice, I warned him and Ali must have taken note. In the end, the fight turned out to be what everybody wanted, a real slugfest.”

Pinuri rin ni Sonny ang dalawang heavyweights. “Ali can really fight. He’s at his best when fighting. He’s really a great fighter. In my 11 years of officiating, I have never seen a fighter as clean and as brave as Frazier. For 14 solid rounds, he played it clean. He, too, is a great boxer. it’s a pity he turned out the loser, but in boxing, only one man wins.”Sa kanyang paninirahan sa Amerika, nakapagreperi si Sonny ng maraming ‘di ­malilimutang laban tulad ng ­unang sagupaan nina Sugar Ray ­Leonard-Roberto Duran na ­welter war sa Montreal noong 1980; Thomas Hearns’ two-round destruction kay Durant noong 1984; at Salvador Sanchez vs Wilfredo Gomez featherweight fistic festival noong 1981.

172

Related posts

Leave a Comment