Inupuan noong panahon ni Noynoy ABS-CBN OFF AIR MUNA

IPINATITIGIL na ang operasyon ng ABS-CBN network kasunod ng napasong legislative franchise nito noong Lunes, Mayo 4.

Nagpalabas kahapon ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) na nag-aatas sa ABS-CBN para maipatigil ang operasyon nito.

Sa apat na pahinang order ng NTC na pirmado ng commissioners nito sa pangunguna ni Commissioner Gamaliel Cordoba, pinagpapaliwanag din ang media network sa loob ng 10 araw kung bakit hindi dapat ma-recall ang frequencies na iginawad dito dahil sa kawalan ng kinakailangang prangkisa na hinihingi ng batas.

Kung mabibigong maghain ng tugon sa ibinigay na grace period ay maikokonsidera itong waiver ng karapatan na marinig at dedesisyunan na ng NTC ang pinal na kahihinatnan ng network alinsunod sa batas.

Kaugnay nito, nagbabala si House Committee on franchise chairman Franz Alvarez sa NTC na mahaharap ang mga ito sa contempt kung hindi bibigyan ng provisionary authority and ABS-CBN na ipagpatuloy ang kanilang operasyon habang dinidinig sa Kamara ang franchise application ng TV network.

“If the NTC chooses to succumb to the pressure of the Solicitor General, and disregard the commitments they gave under oath, we reserve the right to call them before Congress and explain why they should not be held in contempt,” ani Alvarez.

Unang binalaan ni Solicitor General Jose Calida ang NTC laban sa pagpapalabas nito ng provisionary authority para maipagpatuloy ng ABS-CBN ang kanilang operasyon habang pending sa Kamara ang kanilang franchise application.

Samantala, ipinaubaya na ng Malakanyang sa desisyon ng NTC ang pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, pinasasalamatan ng pamahalaan ang ABS-CBN para sa sebisyo nito sa sambayanang Filipino at sa mamamayan lalo na ngayong panahon ng COVID-19.

“But in the absence of a legislative franchise, as we have earlier said, ABS-CBN’s continued operation is entirely with the NTC’s decision,” ayon kay Sec. Roque.

INUPUAN

Hindi lamang sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte natengga ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa renewal ng kanilang prangkisa kundi noong panahon pa ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Base sa mga impormasyon noong Hulyo 2019, malamig si Aquino sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN dahil ‘galit” umano ito kay dating Vice President Noli de Castro at maging kay Ted Failon dahil sa pagiging kritiko ng mga ito sa kanyang administrasyon.

Dahil sa galit diumano ni Aquino sa ABS-CBN, hindi na inaksyunan ng House committee on franchise ang prangkisa ng nasabing TV network kaya muling inihain ito noong pangulo na si Duterte.

Maging sa tweet ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin noon Enero 1, 2019 ay nagsabi ito na “Oddly PNoy too indicated he would not renew ABS-CBN’s franchise.

Only Joma wants to renew it but will he do it when he is president? Ok. Back to my spiritual retreat”. JEFF TUMBADO, BERNARD TAGUINOD, CHRISTIAN DALE

170

Related posts

Leave a Comment