ISA NA NAMANG ANOMALYA IBINUNYAG NI SEN. RAFFY TULFO

RAPIDO NI TULFO

ISA sa pinakamasigasig at pinaka-kontrobersyal na mambabatas ngayon si Sen. Raffy Tulfo dahil sa kaliwa’t kanang mga expose nito sa Senado. Maihahalintulad ito sa dating mga senador na sina Joker Arroyo at Ernesto Maceda na mga nakilala dahil sa kanilang expose’ noong mga kapanahunan nila.

Ang pinakabagong pasabog ni Sen. Tulfo ay may kinalaman sa ginaganap na budget hearing na may kaugnayan sa budget na hinihiling ng AFP. Tinanong ng senador si Col. Roselles Salvosa ukol sa allowance ng deployed reservists ng AFP. Inamin ni Col. Salvosa na may nakalaang budget ang AFP dito na tinatawag na LACASA o Laundry Allowance Clothing Allowance Subsistence Allowance.

Ayon sa tanong ng senador, “Saan napupunta ang monthly allowance ng AFP deployed reservists? Sino ang kumukurakot niyan? Tinataya nila ang kanilang mga buhay para sa bayan tapos ang allowance nila ay kukurakutin lang. Sa tinagal-tagal ng panahon. Hindi nabibigay sa kanila ang mga budget na para sa kanila at binubulsa ng kung sino-sinong Poncio Pilato. I want to give it to them right away”.

Ang pinupuntirya ng senador ay ang pagkawala ng budget na nakalaan sa mga AFP reservists, dahil di tulad ng mga regular na miyembro ng AFP, nabubuhay lang ang mga ito sa kakarampot na allowance na kinukurakot pa ng ilang opisyal diyan sa hukbong sandatahan.

Hindi na bago ang isyung korapsyon sa hanay ng AFP. Noong July, 2018, napatunayan ng military court na winaldas ni Army Lt. Col. Hector Marana ang P15 milyon na pondo ng Philippine Military Academy (PMA).

Si Marana ay ang treasurer o ingat-yaman ng naturang institusyon ng anim na taon bago ito nakasuhan. Nabisto si Col. Marana sa kanyang pinaggagawa matapos bumaba sa pwesto at hindi nai-turnover nang maayos ang pera at iba pang bagay sa kanyang kapalit sa pwesto.

Ayon sa pahayag ni AFP spokesman Col. Edgard Arevalo, ipinautang ni Marana sa mga pribadong indibidwal ang pera.

Kinasuhan at nasentensiyahan si Marana sa paglabag sa Articles of War at conduct unbecoming of an officer matapos ang apat na taong paglilitis at ito ay inaprubahan ni dating Pangulong Duterte noong Agosto, na tumatayo ring Commander-in-Chief ng AFP noon.

Matatandaang sinipa rin ni Pangulong Duterte ang mahigit dalawampung mga opisyal at personnel ng Armed Forces of the Philippines Health Services Command dahil sa alegasyon ng katiwalian sa V. Luna Hospital.

Pero ito ay pinabulaanan ng dating head ng naturang departamento na si B/Gen. Edwin Torrelavega. Kinasuhan si Gen. Torrelvega at mga kasama nito sa maanomalyang pagbili ng mga kagamitan sa ospital na hindi dumaan sa bidding.

421

Related posts

Leave a Comment