ISANG kasapi ng ISIS influenced Abu Sayyaf Group na sangkot sa pagdukot ng isang Indonesian national kidnap for ransom victim, ang napatay ng mga tauhan ni Philippine National Police-Anti Kidnapping Group Director P/BGen. Jonnel C. Estomo noong Sabado ng umaga sa Brgy. Musso, Tungawan, Zamboanga Sibugay Province.
Ayon kay Gen. Estomo, bandang alas-5:34 ng umaga, sinalakay ng kanyang mga tauhan ang pinagtat aguan ni Salip Adzhar Alidjan alyas “Aya,” isang ISIS-ASG kidnap for ransom group member, sa Brgy. Musso, bayan ng Tungawan.
Subalit natunugan umano ng suspek ang paglapit ng PNP-AKG Mindanao Field Units, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Clarence C. Gomeyac, kasama ang mga elemento ng RIU9, 5thSAB SAF, RMFB-9, PNP-IG, MCIC4, MCIBN, PMC, RID-BAR, RID9, CIDG9, NICA9, RMU9, ACG9, PIU Zamboanga Sibugay at Tungayan MPS, kaya sinalubong nito ng sunod-sunod na putok ang mga awtoridad.
Dead on the spot ang suspek matapos na mapilitang gumanti ng putok ang mga pulis na armado ng dalawang search warrant sa kasong illegal possession of firearm and explosives na inisyu ni Hon. Vicente S. dela Plaza II, RTC Branch 36, 9th Judicial Region, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Maj. Rannie Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, si Alidjan ay kasapi ng ISIS/ASG, sa ilalim ng pamumuno ni ASG-Sub Leader Alhabsi Misaya, na sangkot sa serye ng kidnapping incident at positibong kinilala ni Herman Manggal, isang Indonesian national, na kanilang dinukot at pinalaya lamang matapos magbayad ng P4 milyon.
Ang suspek na itinuturing na ‘armed and dangerous’ ay nakuhanan ng isang (1) handgrenade, isang (1) caliber. 45 pistol with serial # 391787, isang (1) cal. 45 magazine, mga bala para sa cal. 45, isang (1) Garand rifle with serial #2391117 na may dalawang (2) clips para sa Garand rifle at 6 bala para sa 30mm Garand rifle. (JESSE KABEL)
