ISKO, CARPIO AMPAW SA TAXATION! – GADON

KAPWA nakatikim ng kantyaw mula kay UniTeam senatorial candidate lawyer Larry Gadon si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at former Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio kaugnay ng usapin sa Marcos family’s estate tax.

Inilarawan ng senatorial candidate ng UniTeam nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at running-mate na si Inday-Sara Duterte, na bulok at walang nalalaman sa usapin ng taxation ang tinaguriang Boy Benta na si Isko Domagoso.

Ayon kay Gadon, dapat bago maglabas ng anomang pahayag ang isang kandidato sa pagkapangulo na katulad ni Isko, mag-aral muna ito sa batas, partikular na ang masalimuot na usapin ng estate tax.

“Ano ang sinasabi niyang (Isko) ninakaw ni BBM ang estate tax? Alam ba n’ya talaga kung ano ang ibig sabihin ng estate tax?” ani Gadon.

Aniya, ang isyu ng estate tax ay ginagamit ngayon ng mga kalaban sa pulitika ni Marcos.

“Kasi alam nila na talo na sila sa May 9. Mabuti sana kung totoo ang bintang nila, pero mali na nga, ginagawa pa nilang bobo ang taumbayan,” wika pa nito.

Ipinaliwanag ni Gadon na kung totoo ang sinasabing P203 billion na utang sa estate tax, dapat ay ilabas muna ang tamang ‘computation’ nito – kung paano na-compute at kung sino ang nag-compute.

Importante rin dapat malaman ng lahat na ang sinasabing estate tax ay hindi utang ni BBM, kundi obligasyong dapat bayaran ng estate ng ama nitong si dating President Ferdinand E. Marcos.

“Kapag namatay ka Isko at mayroong hindi na-settle na buwis sa ari-arian mo, payag ka ba na ang magbayad nito ay anak mo kahit hindi pa nakapangalan sa anak mo ang property? Saka papayag ka bang bayaran ng anak mo ang ari-arian na sinasabi naman ng gobyerno na hindi naman sa’yo?” sabi pa ni Gadon.

Para kay Gadon, masyadong masalimuot ang usapin ng estate tax at sinasamantala ng mga kalaban ni Marcos para guluhin ang isip ng taumbayan.

“Fake news iyang ginagawa n’yo, nagmumukha pa kayong bobo!” sabi pa ni Gadon.

Binigyang-diin ni Gadon na sa simpleng paliwanag, ang lahat ng ari-ariang hindi nababayaran sa estate tax ay puwedeng kumpiskahin agad ng pamahalaan.

“Ganito kasimple iyan Isko tutal naging mayor ka naman. Hindi ba kapag ang isang bahay at lupa na hindi nakakapagbayad ng amilyar ay puwedeng kumpiskahin ng gobyerno? Ganyan din sa estate tax, kung talagang may ganyan kalaking utang ay kumpiskahin na ito ng gobyerno at puwede n’yo nang ipabenta, i-bid o ipa-auction,” paliwanag niya.

Idiniin ng senatoriable na sa halip magbintang ng kung ano-ano kay Marcos, ang dapat intindihin ni Isko ngayon ay ang ipaliwanag sa publiko kung bakit ibinenta nito sa halos P1.5 billion ang Divisoria Public Market na naging dahilan mawalan ng hanapbuhay ang maraming vendors.

Para naman kay Carpio na nagsisilbi na umanong propagandista ng mga dilawan, hinamon ito ng debate ni Gadon.

Tinawag din niyang ignorante ang una pagdating sa taxation law.

“Masyado mong nililito ang tao. Ang dapat sa’yo hindi na tawaging attorney kasi hindi na gawain ng isang abogado iyang ginagawa mo kundi gawain na ng isang propagandista,” ani Gadon.

Nauna nang binara ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si Carpio na hindi umano naiintindihan ang batas ukol sa mga buwis dahil sa mali at walang basehang pag-iingay nito ukol sa estate tax ng pamilya Marcos.

Kasabay nito, iginiit ni Enrile na wala siyang nakikitang ibang dahilan sa isyu kundi pulitika lalo na at isang buwan na lamang bago maghalalan sa Mayo 9.

“Alam ninyo, mga kababayan pulitika ngayon eh bago kayo maghusga, bago kayo maniwala, makinig kayo. Bago kayo maniwala isipin muna ninyo kung totoo yung sinasabi ng mga tao na yan,” ani Enrile sa panayam ng RMN news nitong Martes ng umaga.

“Kahit na ex-Supreme Court Justice (Carpio) kung hindi nya napag-aralan yan at hindi nya naintindihan at hindi nya prinaktis sa kanyang pagiging abogado, hindi nya naintindihan yan,” dagdag ng dating senador.

200

Related posts

Leave a Comment