RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGING mainit na naman ang pagpapatuloy ng pagdinig kahapon sa Senado sa maanomalyang flood control projects.
Maraming pangalan na naman ang nabanggit sa pamamagitan ng statement na ibigay ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara, na binigyan naman ng kumpirmasyon ng tauhan nito na si DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez.
Pero ang nakapupukaw ng atensyon sa taumbayan ay ang pagpilit ni Sen. Rodante Marcoleta na hindi pa kailangang magsauli ng kayamanan ang mga sangkot sa anomalya, na malinaw namang nagnakaw sa kaban ng bayan.
Nagkainitan sina DOJ Sec. Boying Remulla at Sen. Marcoleta nang ipilit ng senador na pagkatapos pa ng imbestigasyon malalaman kung may dapat bang ibalik ang mga tatayong witness sa kaso.
Hindi naman ito sinang-ayunan ni Sec. Remulla na nagsabing dapat magsauli na ang mga ito ng kanilang kayamanan kung ang mga akusado ay “in good will” na maging testigo.
Sinang-ayunan ito ni Sen. Erwin Tulfo na iginiit naman na hindi na dapat sinusunod ang batas sa ganitong uri ng kaso dahil galit na ang mga tao at ang sigaw nga ng taumbayan ay isoli ang mga ninakaw sa bayan.
Sabi tuloy ng ilang nanonood sa pagdinig, tila nag-aabogado si Sen. Marcoleta sa mga akusado partikular na sa mag-asawang Curlee at Cezarah Discaya, na pilit niyang inirerekomendang matanggap bilang mga pangunahing testigo sa Witness Protection Program.
Marami naman ang umaalma rito dahil base sa imbestigasyon ng Senado at Kongreso, hindi sila ang “less guilty” sa kasong ito dahil karamihan ng mga proyekto sa flood control ay ang kumpanya nila ang nanalo, ibig sabihin ay sila ang pasimuno ng mga ghost project.
Dapat ay magpatuloy ang pagbibigay ng interes ng taumbayan sa pagdinig na ito ng Senado at Kongreso upang hindi matabunan ng ibang issue.
Galit na ang mga tao. Dapat ay may maipakita ang gobyerno na mananagot sa mga ginagawa nilang imbestigasyon, kamag-anak man o kaibigan ng pangulo.
