ITIGIL NA ANG MGA LAND CONVERSION

BAGWIS

Isa sa mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay itong patuloy na pagkaubos ng mga lupaing pansakahan sa ating bansa. Walang pakundangan ang mga ginagawang land conversion ng mga lupaing pang-agrikultura upang ito ay maging mga subdivision at industrial zone.

Idagdag mo pa rito ang ang patuloy na pananamlay ng ating mga kababayan upang sakahin at linangin ang kanilang lupaing pansaka dahil sa naging desisyon ng pamahalaan na alisin ang quantitative restriction sa pag-angkat ng mga bigas na galing sa ibang bansa.

Unti-unting namamatay ang ating sektor pang-agrikultura dahil sa nauubos na mga lupain na maaaring taniman at mga taong magtatanim ng mga ito.

Hindi rin naman natin maaaring sisihin ang ating mga magsasaka na maghanap na lamang ng ibang kabuhayan at ilayo ang kanilang mga anak sa ganitong uri ng hanapbuhay. Bukod kasi sa napakahirap na buhay ng isang magsasaka ay napakababa rin ang tingin ng lipunan sa kanila.

Kung hindi maagapan ng pamahalaan ang ganitong estado ng ating sektor pang-agrikultura ay maaaring tuluyan nang babagsak ang produksyon natin sa pagkain at aasa na lamang tayo sa importasyon.

At hangga’t hindi maging organisado at makabago ang ating ginagamit na sistema upang mapalago ang ating agrikultura maaaring maubos na ang ating mga sakahan.

Ang isang barangay halimbawa na kung saan ang mga mamamayan ay may mga maliliit na sakahan ay maaaring ma-organisa bilang isang korporasyong pang-agrikultura. Kanilang pagsama-samahin ang kanilang maliliit na sakahan upang gawing mga modernong sakahan. Maliban sa mga magtatanim ay magtalaga na rin sila ng taong makikipag-usap sa malalaking retailers sa halip na dumaan pa sa middlemen at wholesalers.

Sa panahon ngayon ng Internet at online shopping, maaaring na rin na gawing rektahan ang bentahan ng mga produkto na magmumula sa barangay-based corporate farms. Mas malalaki ang kikitain ng ating mga magsasaka sa ganitong paraan at lalo pang lalaki ang kanilang produksyon.

Gayunpaman, ang mas mahalaga ngayon ay mapigilan muna ang pagkaubos ng ating mga lupaing pansakahan. Kinakailangang kumilos na ang ating pamahalaan dahil maaaring isang araw ay baka maging kangkong ay kailangan na rin nating angkatin sa Vietnam. (BAGWIS / Gil Bugaoisan)

370

Related posts

Leave a Comment