ITINAYO ng Department of Justice (DOJ) ang strike force (SF) sa isasagawang imbestigasyon laban sa korapsyon sa buong ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, ang SF ang instrumento ng itinayong mega task force na mag-iimbestiga sa napakatalamak na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa pamahalaan.
Ang enggrandeng aksyon laban sa korapsyon na pangungunahan ng DOJ ay batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pag-amin ni Duterte na masahol na ang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Guevarra, magdidiin ang SF sa espesipikong tudla ng mga iimbestigahang opisyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Masyadong malawak ang ehekutibong sangay, kaya ang pokus ng DOJ mega task force ay ang DPWH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ahensiya ng Department of Health ( DOH), Land Registration Authority (LRA) ng DOJ at Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), mga ahensyang pinamamahalaan ng Department of Finance (DOF).
Tiniyak ni Guevarra na iimbestigahan din nila ang ibang ahensiya na ang katiwalian, korapsyon at pandarambong ay masyadong masama ang epekto sa paghahatid ng serbisyo at paglilingkod sa publiko.
Ani Guevarra: “Ang layunin namin ay imbestigahan at kasuhan ang mga [sangkot sa] korapsyon, pabilisin ang resolusyon sa mga nakabinbing kaso ng korapsyon at maglunsad ng kampanya, o adbokasiya, upang mapigilan ang patuloy na pangungurakot” ng mga opisyal sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Ayon naman sa tagapagsalita ng DOJ na si Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, nagkasundo nitong Oktubre 30 ang mga kasapi ng DOJ mega task force sa tatlong gabay sa imbestigasyon: ranggo ng mga taong sangkot, epekto sa serbisyo/paglilingkod sa publiko at minimum na isang bilyon ang nanakaw na pera sa pinapasukang ahensiya.
Pabor si Villar na isama sa imbestigasyon ang asawa niyang si DPWH Secretary Mark Villar kung mayroong makakalap na mga ebidensya na kumita siya sa mga proyekto ng ahensya.
Ang DPWH ang nangangasiwa ng “big ticket projects” ng administrasyong Duterte sa programang “Build, Build, Build” (BBB). (NELSON S. BADILLA)
210
