JEEPNEY DRIVER SUGATAN SA ROAD RAGE SA LAGUNA

LAGUNA – Sugatan ang isang jeepney driver matapos pagsasaksakin ng dalawang lalaking sakay ng isang van sa kasagsagan ng umano’y road rage sa national highway sa Barangay Sambat Bubukal, sa bayan ng Sta. Cruz sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Ayon sa ulat ng Sta. Cruz Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi matapos magkasabitan sa kalsada ang pampasaherong jeep ng biktima at isang brand new na puting L300 van, na nauwi sa mainitang sagutan.

Kalaunan, humantong ito sa away kung saan pinagtulungang saksakin ng dalawang suspek ang 34-anyos na jeepney driver.

Isinugod ang biktima sa Laguna Medical Center upang malapatan ng agarang lunas dahil sa mga sugat sa katawan.

Sa video ng isang motorista, nakitang tinangka pang tumulong ng isang bystander sa biktima subalit umatras ito nang makitang may dalang patalim ang mga suspek.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng kanilang puting L300 van na walang plaka, patungo sa direksyon ng bayan ng Pila, Laguna.

Agad na nagsagawa ng follow-up investigation ang pulisya at nakita sa CCTV ang van na sinakyan ng mga suspek ngunit natuklasan na wala itong plate number.

Nanawagan ang Sta. Cruz MPS sa publiko, lalo na sa mga motoristang dumaan sa nasabing highway mula alas-6:00 hanggang alas-8:00 ng gabi nitong Linggo, na makipagtulungan at magsumite ng anomang dashcam footage na maaaring makatulong sa pagkakakilanlan ng sasakyang sangkot sa krimen.

(NILOU DEL CARMEN)

89

Related posts

Leave a Comment