MALAYONG-MALAYO pa sa katotohanan ang phase out ng mga pampasaherong jeep na isa sa mga sinisisi noon kung bakit malala ang problema sa trapiko at maruming hangin sa Metro Manila
Nakita ng mamamayan ang kahalagahan ng mga pampasaherong jeep nang isailalim na sa general community quarantine ang Metro Manila at hindi sila payagang bumiyahe dahil nanganganib pa ang mga tao sa COVID-19.
Kalbaryo ang sumalubong sa commuters sa unang araw nang GCQ dahil wala silang masakyan at ang iba naman ay nagbisikleta na lamang pero ang karamihan ay hindi na nakapasok sa kanilang trabaho.
Huwag sanang ikalaki ng tenga ng jeepney drivers at jeepney operators pero nakita ang kanilang kahalagahan sa sektor ng transportasyon sa unang araw ng GCQ sa National Capital Region (NCR).
Kahit pa siguro bumiyahe ang lahat ng pampasaherong bus at pinayagan na isiksik ang mga pasahero tulad ng kanilang gawain bago ang community quarantine, hindi pa rin nila kakayaning isakay lahat ng pasahero.
Malaking papel pa rin ang gina gampanan ng mga pampasaherong jeep sa ating ekonomiya kaya siguro magdadalawang-isip ngayon ang gobyerno kung itutuloy pa ba ang phase out o ipagpaliban muna.
Ilan lang ba ang linya ng tren sa Metro Manila? Ang MRT na mula sa North Avenue Quezon City hanggang EDSA sa Pasay City, ang LRT 1 na mula Munoz Quezon City hanggang Baclaran at LRT 2 na mula sa Recto Avenue Avenue, Manila hanggang sa Quezon City.
Hindi pa rin sapat ang mga ‘yan sa dami ng mga pasahero at kailangan pa ring sumakay muna ng jeep bago makarating sa mga istasyon ng mga tren na ‘yan dahil mas mura yan na hindi hamak kumpara sa taxi at padyak.
Ginagawa pa lamang ang MRT7 na ang ruta ay mula sa North Avenue, Quezon City hanggang San Jose del Monte City sa Bulacan kaya hindi pa napakibangan sa panahon ng pandemyang ito.
Hangga’t hindi pa nailalatag ang mga bagong transport system tulad ng mga bagong linya ng mga tren ay kailangan pa rin ang mga pampasaherong jeep para makarating ang mga tao sa kanilang destinasyon.
Kailangan pa ring magtayo ng mas maraming railways system na malapit sa lugar ng mga tao bago maging makatotohanan ang jeepney phase out pero hangga’t pangarap pa lang ang mga yan, isang pangarap na lamang din ang jeepney phase out.
Huwag din masyadong isisi sa mga pampasaherong jeep ang trapik ha, dahil kahit wala sila sa lansangan nang buksan ang Metro Manila, ay matindi pa rin ang trapik sa mga lansangan.
Maaaring may mga pasaway talagang jeepney driver na humaharang sa daloy ng trapiko dahil nagsasakay sila ng pasahero kung saan-saan at humihinto talaga sa kanto kahit naka-go na ang traffic light para maghintay ng pasaher kaya lumalala ang problema sa trapiko.
Pero mas malaki ang kasalanan din ng mga middle class kung bakit malala ang trapiko sa Metro Manila at nakita natin yan nang isailalim na sa GCQ ang Metro Manila.
Ang middle class ang nagparami ng mga sasakyan sa mga lansagan kaya dapat din natin silang sisihin sa trapiko. O sila ang dapat nating sisihin sa problema sa mga lansangan?
Pero tulad ng karaniwang commuters, hindi naman siguro bibili ng sasakyan ang mga middle class kung may maayos na transport system. Mas komportable kaya na pasahero ka lang kesya ikaw mismo ang nagmamaneho at nakikipagbuno ka sa matinding trapiko.
