ISYU NG CLIMATE CHANGE, DAPAT TUTUKAN AT AKSYUNAN SA LALONG MADALING PANAHON

Sa Ganang Akin Ni JOE ZALDARRIAGA

KUNG papansinin, napakadalas magbago ng panahon. ­Maaaring maaraw at matapos ang ilang oras ay biglang babagsak ang ulan. Isa pang halimbawa nito ay ang dapat na malamig na simoy ng hangin ngayong Disyembre na tila sa gabi lang nararamdaman. Madalas kasi kahit sa umaga, basta’t nand’yan na ang araw, hindi na maramdaman ang hangin. Ang mga ito ay sanhi ng climate change.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na dahil sa lokasyon ng Pilipinas kaya’t umaabot sa 20 ang bagyong dumaraan sa bansa. Ayon sa eksperto, dahil din dito kaya’t madali tayong naaapektuhan ng climate change bagaman mababa naman ang kontribusyon ng Pilipinas sa emission ng carbon sa buong mundo.

Batid din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) ang kahalagahan ng pagtugon sa climate change. Sa ginanap na 77th session ng United Nations General Assembly, binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahang matugunan ang isyung ito. Ang patuloy na pagbabalewala rito ay magreresulta sa paghihirap ng maliliit na bansa gaya ng Pilipinas. Sa katunayan, ayon sa datos ng Climate Change Commission, nasa P506 bilyon na ang nawala sa ekonomiya ng bansa nitong nakaraang dekada dahil sa mga kalamidad.

Kaugnay nito, hinimok ni PBBM ang kanyang mga kapwa lider, partikular ang mga bansang mataas ang carbon emission, na kumilos at tugunan ang suliraning ito. Hinamon niya ang mga ito na pangunahan ang laban kontra sa climate change.

Ang laban kontra sa climate change ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ay kaisa ng pamahalaan sa pagpapababa ng carbon emission ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng sustainability program ng Meralco na Powering the Good Life, naglulunsad ang kompanya ng iba’t ibang inisyatibang makatutulong sa pagpababa ng carbon emission ng bansa.

Isa sa mga pangunahing inisyatiba ng Meralco ang paggamit ng renewable sources (RE). Kaugnay nito, kukuha ito ng 1500 Megawatts (MW) na kapasidad ng RE bilang suporta sa Renewable Portfolio Standards ng Department of Energy. Gagawa rin ito ng sariling RE portfolio na may kapasidad na 1500 MW sa pamamagitan ng MGen, ang power generation arm ng kompanya.

Kabilang din sa programa ng Meralco ang pagsusulong sa paggamit ng mga electric vehicle (EV). Kaugnay nito, inilunsad ng kompanya ang Green Mobility Program na naglalayong palitan ng EV ang mga sasakyang ginagamit nito sa operasyon. Target ng kompanya na gawing EV ang 25% ng lahat ng sasakyan nito sa pagtatapos ng dekada.

Bukod sa paggamit ng RE, naglunsad din ng mga proyekto ang kompanya na naglalayong alagaan ang kapaligiran gaya ng One For Trees na pinangungunahan ng One Meralco Foundation, ang social development arm ng kompanya. Sa ilalim ng naturang ­inisyatiba, layunin ng Meralco na makapagtanim at makapag-alaga ng limang milyong puno hanggang taong 2025.

Ilan lamang ‘yan sa mga inisyatiba ng Meralco sa ilalim ng ­Powering the Good Life. Magpapatuloy ang kompanya sa paglulunsad ng mga makabuluhang programang makatutulong sa pagsalba sa kapaligiran. Nawa’y lalo pang paigtingin ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor dahil gaya nga ng sinabi ni PBBM, ang pagkakaisa ang susi sa pag-unlad. Ako ay naniniwala na ito rin ang susi sa paglutas sa isyu ng climate change.

47

Related posts

Leave a Comment