PINANGUNAHAN ni Dolly Verzosa ang five-set win ng Jose Rizal University laban sa San Sebastian College, 25-22, 19-25, 25-21, 21-25, 15-8 sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa Arena sa San Juan City.
Habang naitala naman ng defending champion Arellano University Lady Chiefs ang ikalawang sunod na panalo laban sa Mapua, 25-13, 25-20, 25-12.
Inakay ni Verzosa ang Lady Bombers para bumawi mula sa 1-2 match deficit nang kumamada ng anim mula sa kanyang 21 points sa fifth set tungo sa unang panalo ng koponan.
Si Verzosa, nasa ikatlong taon bilang skipper ng Lady Bombers, ay mayroon ding 16 attacks, three aces at two blocks, bukod sa 20 digs.
Tumulong din sina Sydney Niegos at Riza Rose nang magsumite ng pinagsamang nine blocks at tig-13 at 12 puntos.
May 11 markers naman si setter Renesa Melgar at nagkaloob ng eight excellent sets.
“Okay yung buena mano namin,” lahad ni JRU head coach Mia Tioseco. “We’re very hopeful na we make it to the final four. So hopefully from here, we build towards that goal.”
Gayunman, ayon kay Tioseco, kailangan pang trabahuhin ang kanilang depensa.
“Kailangan pa more on defense, kailangan pang may mga plantsahin pa kami, medyo may miscommunication pa sa loob but then again, start of the season, hopefully maayos namin,” aniya pa.
Gaya naman ng dapat asahan, nanguna sa Lady Chiefs si Regine Arocha na may 19 points.
Tinalo rin ng JRU Heavy Bombers ang Baste, 25-14, 27-25, 25-14 sa men’s division.
Samantalang nanaig ang Staglets laban sa Light Bombers, 25-15, 25-15, 25-22. (VT ROMANO)
