ANO ba yan secretary William Dar! Sumisigaw na ang bayan sa mataas na presyo ng karneng baboy sa bansa dahil sa kakulangan daw ng supply eh wala ka pang aksyon?!
Ang sabi mo, walang dapat ipangamba ang publiko at hindi dapat tumaas ang presyo ng karneng baboy dahil marami ang supply nito at naka imbak lang sa mga cool-storage, eh nasaan bakit sobrang taas parin ng presyo ng karneng baboy?!
Ano ba yan kamot kamot lang pag may time? Ipakita mo naman na totoo yang mga dina DAR-DAR mo!
Kapareho ka rin nitong si supreme court associate justice Mario Victor Leonen eh!
Kung makapag-post ng kung ano-anong mensahe sa social media akala mo huwaran at walang backlog of cases, yun pala siya ang may pinakamataas na backlog sa lahat ng mga mahistrado ng korte suprema.
Aba’y bukod pa sa kabagalang magresolba ng mga kasong naka assigned sa kanya itong si Justice Leonen aba’y inakusahan din ito ni Attorney Lorenzo “Larry” Gadon ng hindi pagtupad sa itinatadhana ng batas kaugnay sa pagsusumite ng statement of assets liabilities and networth o (SALN).
Di ba sa reklamo ni Atty Gadon na isinampa sa Supreme Court, nakasaad doon na umaabot sa labing limang taon na hindi raw nakapagsumite si Justice Leonen ng kanyang SALN mula ng manungkulan ito sa pamahalaan.
At kung matatandaan din po ninyo na halos isang taon din ang nakalipas bago umaksyon itong si Justice Leonen election protest ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr. Laban sa kuwestyunableng ikalawang pangulo ng bansa na si Maria Leonor Gerona-Robredo.
Di ba dapat patawan din siya ng parusa ng SC EN BANC dahil sa kakupadan niyang aktuhan yung kaso ni dating Senador Marcos at iba na umaabot ng 82 kasong hindi naresolba.
Tanong lang Chief Justice Diosdado Peralta, ano ba kaibahan ni Justice Leonen kay Court of Appeals Associate Marilyn Lagura-Yap na pinatawan ng parusa ng SC EN BANC na multang katumbas ng isang taong suweldo nito dahil rin sa kabiguan na maresolba o madesiyunan yung mga kaso sa kanyang korte ng ito’y hukom pa ng Regional Trial Court.
Hindi ba unfair yung Decision ng SC EN BANC kay Justice Yap? Dahil libre pala sa en banc kung kasamahan nilang mahistrado ang nagkasala eh walang parusa.
Chief Justice Peralta, Kung di ninyo kayang parusahan si Justice Leonen eh di ipasa nyo nalang sa bagong buong Judiciary Integrity Board baka sila ay may balls na magpataw ng parusa, yon kung mayroon nga?!
Sana makita rin ng bagong binuong Judiciary Integrity Board yung mga motion for reconsideration (MR) na isinasampa sa Korte Suprema dahil mayroon palang umaabot pa sa limang ulit na motion for reconsideration (MR) na isinasampa sa Supreme Court gayung maituturing ng prohibited pleading yung ikalawa pa lamang na motion for reconsideration, pero mayroon pa palang umaabot sa limang MR.
Diba may korapsyon din doon kung mapapatunayan na pinagbibigyan pa yung isang prohibited pleadings?
Ang sinasabi ko po ay yung isiniwalat nating anomalya sa Supreme Court sa nakaraan na kolum na may kaugnayan sa kaso na may titulong Felix Chua and Spouse Vs. United Coconut Planters Bank.
Mayroon nang desisyon ang SC sa naturang kaso at mayroon na ring entry of judgement subalit nagkaroon pa ng ilang ulit na motion for reconsideration ang naisampa sa SC at ito’y pinayagan pa rin ng Korte Suprema sa halip na ibasura ito.
