KAAWA-AWANG MGA PINOY

KAALAMAN Ni Mike Rosario

ISANG buwan na lang bago pumasok ang ber months ay muli na namang sinalanta ng kalamidad (Egay) ang ilang mga lugar sa bansa.

Matapos na manalasa si Bagyong Egay (international name: Doksuri) na umalis na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Huwebes ng umaga, ay mayroon na namang nagbabanta na masamang panahon.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang low pressure o masamang panahon na nasa layong 1,800 kilometers east of northeastern Mindanao, ay lumalakas na posibleng maging isang tropical depression na maaaring maging bagyo sa susunod na mga araw.

Ang Bagyong Egay ay nakalabas na sa PAR nitong nakaraang Huwebes na nag-iwan ng mga pinsala sa ilang mga lugar sa bansa.

Kaya ayon, lalong maraming Pinoy na naghihirap ngayon ang nangangambang muling mararanasan nila ang Paskong Tuyo sa Disyembre.

Mismong nanggaling sa PAGASA na mahigit kumulang sa 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon kaya dapat alam na ng gobyerno kung paano paghahandaan ang mga kalamidad na ito.

At alam din nila na bago pumasok ang ber months ay sunod-sunod na ang pagpasok ng masamang panahon, kaya dapat alam din nila kung paano maiibsan ang epekto nito sa ating mga kababayan.

Tulad na lamang ng nangyari sa paglubog ng isang bangkang de motor sa Laguna Lake na ikinamatay ng 27 katao.

Ang ipinagtataka pa natin ay kung bakit pinayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paglalayag ng MV Aya Express sa kabila ng masamang panahon.

Sa ating pagkakaalam, sa 40 kataong sakay ng naturang bangkang de motor, 27 ang namatay dahil sa paglubog nito sa lawa habang papunta sa Talim Island.

Lumalabas na nagsisinungaling ang kapitan ng bangkang de motor na si Donald Anain, sa pagsasabing hindi raw niya alam na overloaded ito.

Bistado na nagsisinungaling ang tao na ito para pagtakpan ang kanyang pagkakamali.

Kung pananagutin ang kapitan ng bangkang de motor na ito na nagdulot ng pagkawala ng buhay ng ating 27 kababayan, ay dapat managot din ang mga nasa gobyerno na nagpabaya sa kanilang mga trabaho.

Hindi makabibiyahe ang bangkang de motor sa kabila ng masamang panahon kung hindi pinayagang makaalis ng PCG o Marina ito.

Lagi na lang ang nasasakripisyo ang buhay ng mga ordinaryong kababayan natin.

Sa una mainit ang usapin, kalaunan ay unti-unti itong lalamig hanggang sa makalimutan na.

Sa bandang huli, makalilimutan ang isyu hanggang sa walang naparusahan sa mga nagkasala

Muling makakalkal ito kapag nagkakaroon ng panibagong kalamidad tulad ng nangyaring paglubog ng MV Aya Express.

Ngayon, handa na si Senate Committee on Public Services chairperson, Senator Grace Poe sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa paglubog ng pampasaherong bangkang de motor sa Laguna Lake na sakop ng Binangonan, Rizal.

Sana nga may managot hindi lamang ang may-ari ng bangka kundi maging ang kapitan at mga opisyal ng PCG o Maritime Industry Authority (MARINA) na nagpabaya sa kani-kanilang mga trabaho.

221

Related posts

Leave a Comment