SUPORTADO ni Senador Grace Poe ang Binhi ng Pag-asa (BNP) program ng Department of Agriculture na may layunin na mahimok ang kabataan na maging bihasang agripreneurs sa pamamagitan ng pagbibigay ng capacity-building workshops at armasan ang kalahok ng agricultural start-up kits.
Inilunsad ang programa noong Hunyo 30 na may layunin na maabot ang 1,855 benepisaryo sa 115 lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Ibig sabihin ng “Binhi” sa BNP ay punla o seedlings na pangunahing kailangan upang makapagtanim ng pagkain tulad ng butil tulad ng bigas na pangunahin sa hapag-kainan ng bawat Filipino.
“Sanhi ng tumatandang populasyon ng magsasaka, kailangan natin na sanayin ang ating kabataan sa agrikultura at himukin sila naging susunod na henerasyon ng magbubukid,” ayon kay Poe.
Ayon sa datos ng World Bank, patuloy na umuunti ang bilang ng Pilipinong nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura mula sa 37.11 porsiyento noong 2000 tungo sa 22.86 porsiyento nitong 2019. (ESTONG REYES)
