NANG magsimula ang pamamahagi ng bakuna sa bansa noong Marso, ang kwalipikado lamang ay ang mga indibidwal na may edad 18 taong gulang pataas. Ilang buwan matapos inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Pfizer-BioNTech para sa kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang, lumabas kamakailan ang rekomendasyon ukol dito. Tila nalalapit na ang pagbabakuna sa nasabing age group.
Noong Hunyo, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagaman binigyang pahintulot na ng FDA ang Pfizer-BioNTech, hindi agarang maisasama ang mga ito sa programa dahil sa limitadong supply ng bakuna noon. Ngunit sa madalas na pagpasok ng mga doses ng bakuna sa bansa nitong mga nakaraang buwan, iminungkahi ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na umpisahan na ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang sa susunod na buwan.
Humigit kumulang 23.75 milyong doses ng bakuna ang hawak ng bansa at may inaasahan pang darating na 20 milyong doses sa unang bahagi ng Oktubre. Ang kasalukuyang supply ng bakuna ay may sapat na kapasidad na makapagbakuna ng 12 milyong kabataan.
Dagdag pa ni Galvez, tinatayang nasa 400,000 hanggang 500,000 na bakuna ang naipamamahagi kada araw. Sa katunayan, nakararanas na ng “vaccine saturation” ang National Capital Region (NCR) at ibang mga lungsod kaya’t makabubuting buksan ang programa sa ibang sektor.
Kung matutuloy ang pagbabakuna sa mga kabataan, inirerekomendang unahin ang mga kabataang mayroong comorbidity at ang mga anak ng mga healthcare worker.
Sa kasalukuyan, Mo-derna at Pfizer-BioNTech pa lamang ang nabibigyan ng EUA para sa mga kabataang may edad 12 hanggang 15 taong gulang.
Ayon naman sa DOH, pinag-aaralan pa nito ang pagbabakuna sa pediatric na populasyon o mga kabataang may edad 0 hanggang 17 taong gulang sa bansa. Kailangan umanong unahing bigyan ng prayoridad ang mga senior citizen at mga indibidwal na may comorbidity.
Mahalagang maisama sa programang pagbabakuna ng bansa ang mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang. Dahil sa pagkalat ng mas agresibo at mas nakahahawang Delta variant, maging ang mga batang nagkaka-COVID-19 ay nagiging symptomatic. Mahalaga ring
magkaroon ng “bubble” sa mga tahanan ang bawat pamilyang Pilipino.
Bagaman tila malayo pa tayo sa ating target na 70 milyong fully vaccinated na Pilipino upang makamit ang herd immunity, nagsisilbi namang bagong pag-asa ang posibilidad na mabigyan ng bakuna ang mga may edad 12 hanggang 17 taong gulang. Gaya nga ng sinabi ng United Nations, “No one will ever be truly safe until everyone is safe.”
168