KAGAMITANG PANDIGMA NG KOMUNISTANG GRUPO NAHUKAY NG MILITAR

NAHUKAY ng mga tropa ng 105th Infantry (Saifullah) Battalion ng Philippine Army, ang nakatagong mga kagamitang pandigma ng mga komunistang terorista sa Sitio Maughan, Brgy. Tbolok, Tboli, South Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. Erikzen C. Dacoco, commanding officer ng 105IB, naisagawa ang operasyon matapos magsuplong ang dalawang dating rebelde na ngayon ay nagsisilbing Civilian Active Auxiliaries (CAA) sa ilalim ng nasabing yunit.

Isa sa kanila ay dating pinuno ng isang Communist Terrorist Group (CTG) unit na matagal nang tumiwalag sa armadong pakikibaka.

Dahil sa kanilang tiwala sa militar at hangaring tuldukan ang karahasang dulot ng terorismo, isiniwalat nila na may mga armas at pampasabog na matagal nang nakabaon sa nasabing lugar, na iniwan ng kanilang mga dating kasamahan.

Agad na kumilos ang mga tropa ng 105IB upang kumpirmahin ang impormasyon at isagawa ang retrieval operation sa tinukoy na lokasyon.

Sa isinagawang operasyon, matagumpay na nahukay ng militar ang mga sumusunod na kagamitan ng mga terorista: dalawang Elisco M16A1 rifles, apat na Improvised Explosive Devices (IEDs) na maaaring magdulot ng malawakang pinsala, at isang itim na bandolier na may lamang apat na short steel magazine.

Ibinunyag naman ni Brigadier General Michael A. Santos, commander ng 603rd (Persuader) Brigade, bago pa man ang naturang operasyon, una nang nakarekober ang parehong dating rebelde ng dalawang IEDs noong Hulyo 10, at dalawa pang IEDs noong Hulyo 15, 2025 — patunay ng tuluy-tuloy na pakikipagtulungan ng mga dating rebelde sa pamahalaan. “Ang matagumpay na pagrekober ng mga kagamitang pandigma ay patunay na epektibo ang patuloy na pakikipagtulungan ng ating kasundaluhan sa mga dating rebelde.”

Nasa pangangalaga na ngayon ng 105IB ang nakuhang mga kagamitang pandigma upang isailalim sa tamang dokumentasyon at disposisyon, alinsunod sa umiiral na protocols ng Philippine Army.

Samantala, pinuri ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang naging tagumpay ng operasyon at ang ipinakitang kooperasyon ng mga dating rebelde.

“Isa itong malinaw na hakbang tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon. Hinihikayat natin ang iba pang nalalabing miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at makiisa sa ating layunin na kapayapaan at kaunlaran. Ang inyong hukbong sandatahan ay laging handang tumulong para sa mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan ng bawat Pilipino.” (JESSE RUIZ)

13

Related posts

Leave a Comment