ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
UMAASA ang maraming negosyante o “locators” ng Subic Bay Freeport na magpapatuloy ang pagbabago sa pamamalakad ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ito Ang Totoo: sa pag-upo ni bagong talagang SBMA Chairman & Administrator Rolen C. Paulino sa nakalipas na 3 buwan, marami na siyang tinutukan na mga bagay na napabayaan sa nakaraan, kapwa sa porma at sustansiya.
Gayunman, hindi mababago lahat “overnight” kaya kailangan pa ng panahon para tuluyang matukoy ang mga problema, ugat nito at tamang hakbang para dito.
Kaya naman ang Subic Bay Freeport Chamber of Commerce (SBFCC) sa ilalim ni dating SBMA Director Benjamin C. Antonio III na ngayon ay pangulo ng samahan, ay opisyal nang nagpaabot ng mga puna at rekomendasyon kay Chairman Paulino mula sa Freeport “locators.”
Ito Ang Totoo: isa sa mga puna ay ang sa Certificate of Registration and Tax Exemption (CRTE) na katumbas ng “Mayor’s Permit” o “Business Permit” kumbaga sa local gov’t. unit (LGU). Ang SBMA kasi na nangangasiwa sa Freeport ay Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC), hindi LGU.
Ayon mismo sa patakaran ng SBMA, ang CRTE ay dapat mai-release sa loob lamang ng tatlong araw pero wala ni isang “locator” ang nakakuha ng CRTE sa ganoong panahon kahit pa kumpleto ang ”requirements” at dokumento. Meron nga halos taon pa ang inaabot.
Ang dahilan ng abala ay mula sa paulit-ulit o sala-salabat na bagong “requirements”, kakulangan ng “common sense”, o kaya nananadya para alam niyo na, ang ilan sa mga kinauukulan, bukod pa sa ibang dahilan.
Ito Ang Totoo: ultimo isang salita, halimbawa ang paggamit ng “and” sa halip na “corner” sa “address” na lansangan ay ginagawang dahilan para bumalik sa “step one” ang proseso, ibig sabihin, iikot muli ang dokumento para sa pirma ng mga bossing sa kanya-kanyang opisina.
Parang “editor” ng diyaryo ang demonyo na walang pakundangan sa masamang epekto sa negosyo nang walang kuwentang pang-aabala.
Ito Ang Totoo: walang masama sa pagkakaroon ng patakaran. Ang masama, kung ang mga tagapagpatupad ay kulang sa kaalaman, kung walang pakundangan, o kaya ay may kailangan, siguro.
Masuwerte na lang at nailagay sa puwesto si Chairman & Administrator Paulino. Ngayon ay nagsisimula na ang pagbabago.
Hiling at dalangin ng karamihan, sana magpatuloy pa ang pagbabago at matigil na ang kahibangan ng ilang mga tauhan ng SBMA na sa halip tulungan ang nagpapasok ng pera sa kaban ng bayan, ay kanila pa itong pinahihirapan. Ito Ang Totoo!
