(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KAILANGAN nang maghayag ng kanyang posisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng kontrobersyal na online gambling upang maagapan ang pagkagumon dito ng maraming Pilipino.
Naniniwala si Senator Migz Zubiri na malaking bagay ang magiging posisyon ng Pangulo laban sa online gambling tulad nang ipagbawal niya ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Kaya naman hinimok ng senador ang Pangulo na maglabas na ng posisyon sa isinusulong ng iba’t ibang grupo na total ban sa online gambling.
Aminado si Zubiri na kailangan ng political will at magpakita ng “great leadership” ang Pangulo para labanan ang online gambling lalo’t maraming malalakas at mayayaman sa lipunan ang tatamaan.
Tiyak aniyang maraming kaibigan ang Pangulo na masasagasaan kaya dapat na harapin ito ng gobyerno nang walang takot at pagpabor.
Samantala, aapela rin si Zubiri na maisama sa priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang “Anti-Online Gambling Act of 2025”.
Sinabi ng senador na hindi “worth it” ang social cost o negatibong epekto ng online gambling sa kabuuan dahil nariyan aniya ang pagbagsak ng consumerism, pagbaba ng energy use, at pinakamatindi ay ang pagdami ng mga krimen kaugnay sa online gambling.
