Kahit sa loob ng private subdivisions GUARD HOUSE SAPUL NG CLEARING OPS SA QC

GINIBA noong Hulyo 17, 2021 ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City ang mga guard house ng ilang pribadong subdibisyon dahil sa perwisyong dulot nito sa mga sasakyang dumaraan.

Kabilang sa mga giniba ng DPOS ang guard house California Village, Kingspoint Subdivision, Goodwill Subdivision at Serria Vista Subdivision dahil maituturing ang mga ito na road obstruction sa mga pampublikong kalsada.

Ang isinagawang paggiba ng DPOS sa mga guard house sa nabanggit na mga subdibisyon ay alinsunod sa kautusan ni Mayor Joy Belmonte.

Bukod dito, napag-alaman ng DPOS na sinisingil ng ilang homeowner’s association ang bawat motoristang dumaraan ng aabot sa P200 kada araw.

Nauna rito, marami nang reklamo laban sa mga pribadong subdibisyon na naniningil sa bawat dumaraang mga sasakyan sa kanilang lugar.

Matatandaan, ipinanukala ng gobyerno sa lahat ng mga pribadong subdibisyon na maging bukas sila sa mga sasakyan para maibsan ang matinding trapiko sa mga pangunahing kalye.

Sa kabila ng panukalang ito, patuloy pa ring hinihigpitan at sinisingil ng mga pribadong subdibisyon ang mga sasakyan na damaraan sa kanila.

Para maiwasan ang paniningil ng mga pribadong subdibisyon at hindi makaabala sa mga sasakyang dumaraan ay ipinag-utos na ni Mayor Belmonte sa DPOS na gibain ang mga guard house ng nabanggit na mga subdibisyon. (JOEL O. AMONGO)

252

Related posts

Leave a Comment