KAILAN AASINTAHIN NG MARCOS ADMIN MGA HOARDER, MANIPULATORS SA PRESYO NG BIGAS?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IPINAG-UTOS ni President Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil ng 60 araw ang pag-angkat ng bigas upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka na umaaray sa mababang presyo ng palay ngayong anihan.

Naku, nakita rin ang isa sa mga dahilan kaya nanlalambot ang mga magsasaka matapos ang gapasan.

Kaya mababa ang presyo ng palay gawa ng importasyon ng bigas, na wala nang takda sa presyo, mababa pa ang taripa.

Sa loob ba ng 60 araw ay tuluyang makakawala ang mga magsasaka sa hinaing na pumapatay sa kanilang kabuhayan? Hindi tayo sure. Habang hindi pinaiigting ang malawakang kampanya laban sa mga abusadong nag-iimbak, nagmamanipula ng presyo ay laging talo ang mga magsasaka.

Pansamantala lang ang pagpapatigil sa pag-angkat ng bigas at ang dalawang buwan ay hindi sapat na panahon para mapalakas ang lokal na produksyon ng palay.

Simula Setyembre 1 ang pagpapatigil sa pang-angkat ng bigas.

Kapag presyo ang pinag-uusapan ay iba’t ibang taktika na ang itinatapat.

Teka, may pahiwatig na itaas ang taripa sa imported na bigas sa 25 porsyento mula sa kasalukuyang 15 percent bago ang susunod na anihan. Bukod daw sa lalaki ang gastos ng imported na bigas ay maibebenta rin ng lokal na magsasaka ang ani sa mas patas na presyo.

Ano sa palagay ni PBBM? Hindi pa raw panahon na talakayin ang taas-taripa sa inangkat na bigas.

Nang ibaba sa 15 porsyento ang taripa ay bumuhos ang mga imported na bigas, at malaki ang epekto nito sa mga lokal na magsasaka.

Lugi ang mga magpapalay.

At unti-unti ring pinapatay ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pagbaba rin ng presyo ng mga lokal na bigas.

Atas ng Pangulo ang pagbaba ng presyo ng lokal na bigas?

Mainam ito sa mga konsyumer, pero pahirap sa mga nagpapakain sa bansa.

Nilalaro ng taripa ng imported na bigas ang katayuan ng mga magpapalay.

Kaya may punto ang inihain nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Kiko Pangilinan na Joint Senate Resolution No. 2 para bawiin ang kapangyarihang ibinigay sa Pangulo na magbaba ng taripa sa imported na bigas.

Baklasin sa kanya ang kapangyarihang nagpapahirap sa mga magsasaka.

Paalala sa Pangulo, ang lider ay handang protektahan ang mga tao. Hindi siya nasa pwesto para pangalagaan ang kapangyarihan.

69

Related posts

Leave a Comment