KAILANGAN PAREHO PROPONENT AT CONGRESSIONAL DISTRICT – TIANGCO

IGINIIT ni Navotas Rep. Toby Tiangco na dapat pareho ang proponent ng proyekto at ang congressional district kung saan ito ilalagay.

Ito ang posisyon ni Tiangco sa ginawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Tiangco, natuklasan niya mula sa listahan na nakuha niya kay Cong. JJ Suarez na may mga proponent na kongresista na naglagay ng proyekto sa lugar na hindi niya distrito.

“Noong nakuha ko ang listahan, pinagtapat-tapat ko kung sino ang proponent at sino iyong congressional district,” wika ni Tiangco.

“Para sa akin, kung hindi pareho iyong proponent at hindi pareho iyong congressional district, kaduda-duda bakit ang isang congressman hihingi ng proyekto at hindi mo dadalhin sa distrito mo,” dagdag niya.

Sinabi ni Tiangco na ang resulta ng kanyang pagsusuri ay kumpirmasyon sa mga ulat na “binibenta” ng isang kongresista ang kanyang proyektong hiningi para sa ibang distrito.

“Hindi ko alam kung sa kapwa congressman o sa contractor binebenta, pero naririnig ko na kasi iyong 20 percent,” ani Tiangco, na tinawag ang proseso bilang “sagasa” dahil nagugulat na lang ang mga kongresista na may naisamang proyekto sa national budget sa kanyang distrito na hindi niya hiningi.

Una nang tinukoy ni Tiangco sina Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na kabilang sa small committee ng House of Representatives kung saan nangyari ang ilan sa mga insertion sa 2025 national budget.

Ayon kay Tiangco, sina Co at Quimbo ay kasama sa small committee bilang chairperson at senior vice chairperson ng Committee on Appropriations noong 2025, ayon sa pagkakasunod. Kabilang din sa komite ang majority at minority floor leaders.

Naupo si Quimbo bilang chairperson ng komite nang magbitiw si Co bilang pinuno nito.

“Ang pag-insert hindi lang po doon sa bicam, mayroon pang insertion doon sa small committee,” wika ni Tiangco.

Sa Marikina City, nagpatupad si Quimbo ng apat na infrastructure projects sa kanyang distrito katuwang ang mga kumpanyang pagmamay-ari ng kontrobersyal na mga kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya.

Batay sa mga rekord, ang mga proyekto ay iginawad sa mga kompanyang konektado sa Discaya, kabilang ang Great Pacific Builders and General Contractor Inc., JMLR Construction and Supply, St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp., VPR General Contractor and Construction Supply Inc., at Alpha and Omega General Contractor and Development Corp.

Pinangunahan ng Great Pacific Builders ang konstruksyon ng box culvert sa Rainbow Street (P41,878,276.31) at Zenaida Subdivision (P35,355,782.73), kapwa matatagpuan sa Brgy. Concepcion Dos.

Inendorso rin ni Quimbo ang pagpapatayo ng slope protection sa kahabaan ng Balanti Creek sa Katipunan Extension (P56,741,661.01) at pagpapaganda ng Balanti Creek (P46,353,618.68).

Ang mga proyektong may kabuuang halaga na ₱180 milyon ay pinondohan noong 2022 at 2023, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations.

21

Related posts

Leave a Comment