DAPAT tiyakin ang seguridad ng mga Pilipino na nagkakaroon ng pagtitipon sa ibang bansa.
Ito ang apela ni 1st nominee at AKO-OFW chairman Dr. Chie Umandap matapos ang malagim na insidente sa selebrasyon ng Lapu-Lapu Day sa Vancouver, Canada kung saan 11 sa kababayan natin ang nasawi at marami ring nasugatan.
Ani Umandap, dapat agad makuha ng mga nasawing Pinoy ang katarungan at suporta para sa mga biktima at kanilang pamilya.
Ang ganito umanong uri ng trahedya sa isang pagdiriwang ng ating kultura at bayanihan ay hindi katanggap-tanggap na pangyayari lalo pa’t minsan lamang magkaroon ng pagtitipon ang mga Pinoy.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang AKO-OFW party-list sa lahat ng pamilya ng nasawing Pinoy maging ang mga sugatan na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
