KALINISAN, LIVELIHOOD PROGRAM ATBP., PRAYORIDAD NI GOV. DRA. HELEN TAN!

TARGET NI KA REX CAYANONG

PINATUNAYAN muli ni Governor Doktora Helen Tan ang kanyang dedikasyon sa kapakanan ng bawat Quezonian sa matagumpay na pagsasagawa ng Batch 2 STANd-Out sa Kalinisan Livelihood Improvement Program nitong Miyerkoles, Enero 15, sa Brgy. Ilog, Infanta, Quezon.

Sinasabing ang programang ito ay hindi lamang sumasalamin sa pagpapahalaga ng pamahalaang panlalawigan sa kalusugan at kaligtasan ng publiko, kundi pati na rin sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga mamamayan.

Sa pangunguna ni Governor Tan, katuwang si PLGU Quezon Project Development Officer III Lawrence Joseph Velasco, naipamahagi ang mahahalagang kagamitang pang-karinderya sa 121 benepisyaryo mula sa mga bayan ng General Nakar, Infanta, at Real. Ang mga kagamitang tulad ng heavy-duty utensils heater, alcohol dispenser, at QR Sintra Boards para sa Maya at GCash, ay nagsisilbing pundasyon sa pagpapabuti ng kanilang negosyo.

Sa ganitong paraan, hindi lamang kalinisan at kaligtasan ang naitataguyod, kundi pati na rin ang pagkakaroon ng mas organisado at modernong sistema ng pagbabayad.

Bukod sa pamamahagi ng kagamitan, nagkaroon din ng libreng seminar para sa mga benepisyaryo.

Tinalakay sa seminar ang iba’t ibang aspeto ng pagnenegosyo tulad ng Basic Food Safety, Financial Literacy, at digitalization sa tulong ng mga eksperto mula sa iba’t ibang sektor. Ang ganitong mga pagsasanay ay mahalaga upang mabigyan ng tamang kaalaman at kakayahan ang mga negosyante na maging matagumpay sa kanilang larangan.

Kasabay ng proyektong ito, pinangunahan din ni Governor Tan ang pagbabasbas at pamamahagi ng dalawang bagong ambulansya para sa bayan ng Patnanungan at Jomalig. Isang hakbang ito patungo sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa mga liblib na lugar ng lalawigan.

Ang pagkakaroon ng karagdagang ambulansya ay nangangahulugang mas mabilis na pagresponde sa mga pangangailangan ng mamamayan.

Dagdag pa rito, isinagawa rin ang pamamahagi ng AICS Educational Assistance para sa 754 na benepisyaryo mula sa mga bayan ng Real, Infanta, at General Nakar. Ang tulong pinansyal na ito ay malaking ginhawa para sa mga pamilyang naghahangad na maipagpatuloy ang edukasyon ng kanilang mga anak.

Hindi rin nakaligtaan ang iba pang benepisyaryo na nakatanggap ng tulong sa ilalim ng AICS Program sa tulong ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Treasurer’s Office (PTO).

Tunay na ang kombinasyon ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan ay nagdadala ng pag-asa at pag-unlad sa lalawigan.

6

Related posts

Leave a Comment