KALOKOHAN ANG DPWH – TAG NI VILLAR

SA pagkakataong ito, hayaan ninyong gamitin ko ang pahayag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Secretary Harry Roque, Jr. dahil kumbinsidung-kumbinsido ako na tama ang pananaw niya sa binuong Task Force Against Graft and Corruption (TAG) ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

Bihirang magsalita si Roque nang tama at eksakto.

Kaya, sa pagkakataong ito ay sasamantalahin ko na ang ilang bahagi ng interpretasyon ni Roque sa plano ni Duterte tungkol sa tamalak na katiwalian at korapsyon sa DPWH.

Sabi ni Roque, ang TAG ay “good beginning.”

Ayos ‘to.

Kaso, nakapagdududang makakamit nito ang gustong mangyari ni Villar na paimbestigahan ang mga korap na opisyal at inhinyero ng DPWH “because it’s the same people investigating one another”.

Tumpak si Roque!

Kahit saang anggulo sipatin ay malabong tapat at seryosong imbestigahan ng TAG ang mga korap na opisyal at inhinyero sa DPWH.

Igigisa ba ng DPWH – TAG ang mga tao rito sa ‘sariling mantika’ upang pangitiin at makumbinsi si Duterte na kumilos si Villar hinggil sa binanggit ng pangulo na walang natatapos na proyekto ang DPWH nang walang napuntang pera sa mga kasama sa bawat proyekto ng DPWH?

Kaya, kalokohan ang DPWH – TAG na binuo ni Villar, sa pamamagitan ng Department Order 101 – 2020.

Ang pinuno ng TAG ay si Assistant Secretary Mel John Verzosa at ang vice chairperson ay si Director Gliricidia Tumaliuan – Ali.

Sina Director Michael Villfaranca, OIC Andro Santiago at Atty. Ken Edward Sta. Ana ang mga kasapi.

Ayon sa D.O. 101 – 2020 ni Villar: “The TAG shall investigate anomalies allegedly perpetrated by officials and/or employees of the Department, based on valid complaints”.

Tingnang maigi at namnamin nang husto upang maunawaan ang nakasaad sa dulo na “based on valid complaints” ang magiging batayan ng TAG upang simulan nito ang imbestigasyon sa mga anomalya.

“The TAG, upon observing due process, shall recommend to the Office of the Secretary, through a resolution, the appropriate action to take concerning the erring officials and/or employees”, patuloy ng kautusan ni Villar.

Sabihin ninyo kung nasaan ang depekto, butas, o mali sa DPWH – TAG ni Villar.

Siyempre, sa unang tingin ay maganda ang ginawa ni Villar dahil agad itong umaksiyon sa birada ni Duterte.

Pero, hindi naman nagsimula sa termino ni Villar ang korapsyon sa DPWH.

Napakatagal nang panahon ang korapsyon dito.

Hindi pa nga isinisilang si Villar ay napakarami nang namamayagpag na mga opisyal at inhinyero ng DPWH.

Natatandaan ko ilang dekada na ang lumipas, madalas inuupakan ng ilang kolumnista ang pitong matataas na opisyal (undersecretary yata ‘yung iba rito) ng DPWH na ‘kontrolado’ ang mga proyekto ng kagawaran.

Nagpalit ang pangulo ng Pilipinas, nanatili pa rin ang kontrol nila sa mga proyekto ng DPWH, kahit iba na ang sekretaryo ng kagawarang ito.

Kung maayos pa rin ang memorya ko hanggang ngayon, ang natatandaan kong palaging pinalulutang sa mga kolum ay ‘sabi ni DPWH Secretary… ay paiimbestigahan ko ang mga alegasyon tungkol sa anomalya’.

Ang “opisyal” na pahayag ng sekretaryo ay upang idiin sa mga bumibirang kolumnista, sa partikular, at sa media, sa kabuuan, na hindi niya benabalewala ang korapsyon sa DPWH.

Kasamang nakikinabang sa perang inilaan sa bawat proyekto ng DPWH ay ang mga kongresista, opisyal sa pamahalaang lokal at punong barangay.

Sabi ni Roque, posibleng magbuo ng task force si Duterte upang matiyak na malaya ang imbestigasyon laban sa DPWH.

Pero, sabi niya ay depende pa rin sa kahihinatnan ng TAG ang desisyon ni Duterte tungkol sa hiwalay na pagpapa-imbestiga ng pangulo.

Ito’y dahil inulit at idiniin ni Roque ang pahayag ni Duterte kay Villar sa ganitong mga pananalita: “we have full faith and trust and confidence in Secretary Villar”.

Madali palang maging tagapagsalita ng pangulo dahil uulitin lang ang sinabi nito.

314

Related posts

Leave a Comment