KAMALIAN HINDI DAPAT BIGYANG KATWIRAN

ISA sa mga dahilan kaya hindi umusad-usad ang buhay at kabuhayan ng mga Filipino ay dahil sa ugali nating “PWEDE NA, OKAY NA, SAPAT NA o kaya ay TAMA NA.”

Gayung ang totoo ay mayroon pa tayong ibubuga. May magagawa pa tayo para hindi tayo mahuli sa pansitan o kaya ay mapag-iwanan ng ibang mga bansa lalo na yung mga kapit-bahay natin dito sa Asya.

Nasasapatan na tayo sa mga bagay-bagay kahit kulang pa. At isang bagay pa na mali sa ugaling Filipino ay ang bigyang katwiran kahit pa isang malaking kamalian.

Obvious ito sa mga opisyal ng ating pamahalaan. Pinipilit nilang itama ang maling nagawa at pilit ding nagpapalusot kahit pa buking na buking na sa kanilang nagawang pagkakamali.

Nasa puwitan na ba ang prinsipyo kapag ang isang Filipino ay nagiging opisyal ng pamahalaan?

Nasasabi natin ito dahil hirap na hirap na sa kapapaliwanag sina Presidential Spokesman Harry Roque, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG Secretary Eduardo Ano at iba pang gabinete ni

Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na pagbabakuna na ginawa ng mga miyembro ng Presidential Security Group o PSG.

Hindi ko maintindihan bakit sa halip na pangatwiranan ang mali ay pilit pa nila itong itinatama. Hindi ba mas makabubuting ­humingi na lang sila ng paumanhin sa sambayanan sa napakalaking pagkakamali na kanilang nagawa?

Maaaring tama ang ginawa ng PSG sa layuning bigyan ng proteksyon ang Pangulo ng bansa pero maling-mali ang kanilang ginawa na itago ito sa publiko o sa mamamayang Filipino.

Nasaan ang tinatawag na ‘transparency’ kung merong umiiral na ganito sa Duterte administration.

Bukod pa sa katotohanang ang bakunang ginamit diumano ng PSG para turukan ang kanilang sarili ay hindi man lang aprubado ng Food and Drug Administration o FDA.

Kung ipina-alam muna nila sa tao ang pagpapabakuna bago nila gawin ito, hindi sana sila nahihirapan ngayon na magpaliwanag. Hindi lang naman sila ang may gusto na maging ligtas ang

Pangulo kundi maging ang sambayanang Filipino.

It’s a matter of public interest sabi ng Professor ko sa kursong Public Management noon sa kolehiyo.

Ang problema rin kasi sa administrasyong ito ni Pangulong Duterte ay idinadaan na lang lagi sa ‘shortcut’ ang halos lahat. Kung pwede naman gawin ang tamang proseso sa ibat-ibang mga bagay sa gobyerno ay bakit hindi nila gawin ang nararapat.

Ngayon na humihingi ang taumbayan ng paliwanag kung bakit nila ginawa ang pagpapabakuna ng ilegal ay sila pa ang galit at pinipilit nila tayong tanggapin na lang ang mali nilang ginawa.

Aminado silang smuggled vaccine ang itinurok sa ilang ­miyembro ng PSG, so hanggang dun na lang ba yun?

Naturingan pa namang ­abogado ang Pangulo pero parang siya mismo ay nakaka-ligtaan na ang tinatawag na rule of law. Huwag naman sana!

Sino ang mananagot sa paglabag sa batas na ito na ginawa ng PSG?

Mismong ang Bureau of Customs ang nagsabi na mahaharap sa mga kasong kriminal, sibil at administratibo sinoman ang magtatangka na magpuslit o mag-smuggle ng COVID-19 vaccine sa bansa.

Kaya ba nilang sampolan ang mga taga-PSG?

145

Related posts

Leave a Comment