Kamara pinag-iimbestiga CHINA NAGHUHUKAY NA NG LANGIS SA WPS

HINDI na dapat maghintay ng matibay na ebidensya ang Kongreso at dapat mag-imbestiga na ito sa posibleng paghuhukay ng China ng langis sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) partikular na sa Scarborough Shoal.

Ito ang panawagan ng mga progresibong mambabatas sa liderato ng Kamara matapos makarekober ang mga Pilipinong mangingisda sa karagatan ng Zambales ng kagamitan sa oil exploration.

“The equipment, which bore Chinese characters, was confirmed by an expert to be an ocean bottom seismometer or OBS,” ayon sa Makabayan bloc na isang indikasyon na naghuhukay na ng langis ang China sa nasabing teritoryo.

Ang Scarborough shoal o Bajo de Masinloc, ang isa sa mga lugar na sinuri kung may langis nang payagan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU).

Gayunpaman, hindi nagbigay na resulta ng JMSU ang China, sa halip itinago sa Pilipinas ang mga impormasyon kaya posibleng nakatagpo na umano ito ng langis sa Bajo de Masinloc dahilan ng patuloy nilang pagkontrol dito.

Mula 2012 ay kinontrol na ng China ang nasabing teritoryo na naging ugat ng girian ng Philippine at Chinese Navy kaya namagitan ang Amerika kung saan napagkasunduan na iwanan ng dalawang puwersa ang nasabing lugar.

Gayunpaman, mistulang nagulangan ang Pilipinas dahil umatras ang Philippine Navy subalit hindi umalis ang Chinese Navy kaya dinala ang kaso sa Permanent Court of Arbitration (PCA) kung saan nanalo ang bansa. (BERNARD TAGUINOD)

102

Related posts

Leave a Comment