KAMARA TAHIMIK SA GASTOS SA SONA 2025

Matapos bakbakan ng netizen noong nakaraang taon sa ginastos sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mistulang tikom ang bibig ng liderato ng Kamara sa gagastusin ngayong 2025 SONA.

Kahapon ay isinagawa ang final walkthrough bilang bahagi ng preparasyon sa ikaapat na SONA ni Marcos sa July 28 at mula bukas, Miyerkoles ay magpapatupad na ng mahigpit na seguridad sa Batasan Pambansa.

Sa press conference kahapon ng tagapagsalita ng Kamara na si Atty. Princess Abante, sinabi nito na wala siyang idea kung magkano ang gagastusin sa SONA ni Marcos mula sa paghahanda hanggang sa araw mismo ng pag-uulat sa bayan ng Pangulo.

Magugunita na isiniwalat ni House Secretary General Reginald Velasco na P20 million ang pondo sa SONA noong nakaraang taon na naging dahilan para palagan ito ng mga Pilipino lalo na’t marami ang naghihirap at walang makain.

Samantala, sinabi ni Abante na tuloy ang SONA sa Lunes, umulan man o umaraw at sa katunayan ay tuloy-tuloy aniya ang paghahanda ng mga ito kahit matindi ang pag-ulan sa mga nakaraang araw.

“Sa ngayon we are preparing, tuloy tuloy at matutuloy ang SONA as prepared,” ani Abante at naniniwala ito may contingency plan para matuloy ang pag-uulat ni Marcos sa bayan, kapag lumala pa ang panahon.

Handa rin umano ang Kamara sakaling magpasya si Vice President Sara Duterte na dumalo sa SONA sa Lunes bagama’t nauna itong nagpasabi sa tanggapan ni Velasco na hindi ito dadalo sa ikalawang pagkakataon.

Sinabi rin ni Velasco na naipamigay na lahat ng imbitasyon subalit hindi ito nagbigay ng karagdagang detalye. Tinataya naman ni Abante na hindi bababa sa 1,500 ang dadalo sa ikaapat na SONA ni Marcos. (BERNARD TAGUINOD)

92

Related posts

Leave a Comment