KUNG hindi gagamitan ng kamay na bakal ang paglaban sa mga korap na opisyal ng gobyerno ay hindi ito matutuldukan.
Ang tao kasi na nasanay na sa mga karangyaan mula sa perang kanyang kinulimbat sa kaban ng bayan ay manghihinayang na kapag nawala ito sa kanya.
Pero kung buhay ang kapalit ng kanyang ginagawang pagnanakaw ay magdadalawang-isip siyang gawin pa ito.
Sa ginawang pagtatanong ng PUNA sa ilang mga Pinoy kung anong nararapat sa mga tao ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo ng bayan, lahat sila ay nagsabing bitayin o firing squad ang dapat na parusa sa mga ito.
Sabi pa nila, kahit ano pang task force o grupong bubuuin ng gobyerno laban sa mga korap pero kung pipiliin lang din kung sino ang papatawan ng parusa at hindi maisasama ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan ay balewala lang ito.
Ayon sa mga kababayan nating nakausap ng PUNA, sa dinami-dami na ng mga opisina ng gobyerno o anti-graft court hindi na kailangan pang gumawa ng task force na tutugis sa mga korap kung seryoso lang sila sa pagtupad ng kanilang trabaho.
Ang pagkakabuo ng mega task force na pamumunuan ng Department of Justice (DOJ) ay sampal sa anti-graft court o iba pang opisina ng pamahalaan na naatasan na tumugis sa mga magnanakaw ng pera ng bayan.
Ayon naman sa kaibigan nating barbero, mga inutil at wala nang tiwala sa kanila ang Pangulong Duterte kaya napilitang bumuo ng mega task force vs korap officials.
Subalit ang kredibilidad ng binuong mega task force ay nakasalalay rin sa DOJ partikular sa pamumuno ni Sec. Menardo Guevarra.
Malaking hamon ito sa kalihim ng DOJ lalo na ngayon na nasa ilalim ng kanyang pinamumunuang departamento ang Bureau of Immigration (BI) na maraming nasasangkot sa katiwalian.
Ang tinutukoy natin ay ang “pastillas scheme” sa Ninoy Aquino International Airport na isang ilegal na gawaing kinasasangkutan ng mga tauhan ng BI.
Pera-pera na lang kasi ang inisip ng ilang nasa gobyerno wala na silang pakialam sa kapanan ng taumbayan.
Hindi sila natatakot kasi nga naman sa dami ng kanilang pera ay kaya nilang magbayad ng mga de kampanilyang abugado para sila ay ipagtanggol. Bukod pa yung pambayad nila sa korap na hukom na may hawak ng kanilang kaso para pabor at tuluyan na sila makalaya.
Kaya ang gusto ng taumbayan ay gamitan na ng kamay na bakal ang mga korap na opisyal ng gobyerno.
Mismo si Pangulong Duterte ay nagsabi na ang kanyang nalalabing dalawang taon sa panunungkulan ay ilalaan niya sa paglaban sa mga korap sa gobyerno.
Mangyayari ito kung ang kanyang naatasan na humawak ng mega task force ay hindi mamimili ng sasampahan ng kaso.
Abangan na lang natin ang magiging hakbang ng mega task force.
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
201 