KAMPO NI ATONG ANG SA INILABAS NA WARRANT: PREMATURE, LEGALLY QUESTIONABLE

TINAWAG na “premature” at “legally questionable ng kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang inilabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) ng Sta. Cruz, Laguna kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, lead counsel ni Ang, bigong masunod ng hukuman ang mga konstitusyonal na rekisitos sa pag-isyu ng arrest warrant laban sa kanyang kliyente.

“Malinaw na umasa lamang ang hukuman sa hindi kumpletong impormasyong isinumite ng Department of Justice (DOJ) sa pagtukoy ng probable cause, nang hindi isinasaalang-alang ang mga counter-affidavit at ebidensyang nagpapawalang-sala sa mga respondent, kabilang si Ginoong Ang,” ani Villareal.

Giit ng abogado, ang naturang hakbang ay tahasang paglabag sa karapatan ni Ang at posibleng labag sa Konstitusyon, partikular sa Article III, Section 2, pati na rin sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema sa Roberts vs. Court of Appeals at Soliven vs. Makasiar.

Sinabi ni Villareal na gagamitin nila ang lahat ng legal na remedyo upang mabigyan ng pagkakataon si Ang na kuwestiyunin ang arrest order.

“Tinitiyak namin sa publiko na patuloy na igagalang ni Ginoong Ang ang kapangyarihan ng hukuman at susunod siya sa mga proseso ng batas,” dagdag pa niya.

Gayunman, mariing iginiit ng abogado na inosente si Ang sa mga paratang ng umaming whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, na tinukoy niya bilang tunay na utak ng krimen.

Binatikos din ni Villareal ang umano’y pagkiling ng DOJ, na aniya’y umasa lamang sa testimonya ni Patidongan sa pagbubuo ng kaso.

“Nakakalungkot na hinayaan ng DOJ ang sarili nitong magamit bilang kasangkapan sa manipulasyon ni Patidongan upang mailigtas ang sarili sa pananagutan kapalit ng pagsasangkot kay Ginoong Ang,” aniya.

Dagdag pa niya, walang pisikal na ebidensya na direktang nag-uugnay kay Ang sa kaso at ang pagtukoy ng probable cause ay nakasandal lamang sa iisang salaysay.

“Itinayo ang kasong ito sa pagmamadali at malinaw ang intensyong gawing ‘sacrificial lamb’ ang aming kliyente upang protektahan ang tunay na utak ng krimen,” giit ni Villareal.

Sa kabila nito, tiniyak ng kampo ni Ang na susunod sila sa mga proseso ng korte habang patuloy na ipinaglalaban ang karapatan at due process ng kanilang kliyente.

(PAOLO SANTOS)

73

Related posts

Leave a Comment