Kandidatong makatutulong sa Philippine sports

SINO ang mag-aalaga o lilingap sa Philippine sports?

Ang tanong na ito ay natalakay na ng kolumnistang ito nang ilang beses na, partikular noong 2016 nang ang Pilipinas ay tumapos na pang-anim sa SEA Games sa Singapore.

Balik-tanong noon ng kaibigang Recah Trinidad, ­kolumnista ng Philippine Daily Inquirer bilang reaksyon sa aking kolum: “Mananatili kaya ang Pilipinas na ‘dominant doormat’ in the Southeast Asian Games under the administration of President Noynoy Aquino? So, who’ll care for Philippine sports?”

Nakatakdang idaos ang pambansang halalan nang lumabas ang kambal na kolum namin ni Recah. Kapwa kami nagtaka kung bakit wala man lang isang kandidato noon ang tumalakay sa isyu ng sports sa bansa sa presidential debates na natapos sa Dagupan City.

Ngayon, presidential election ulit sa Mayo 9, 2022. Bakit wala pa rin ni isa, sa mahigit kalahating dosenang naghahangad maging pangulo ng bansa, ang tumatalakay sa isyu ng sports, na gaya ng edukasyon ay isa sa mga epektibong behikulo sa pagtatayo ng isang malakas at malusog na pamayanan? Dahil ba wala sa mga kandidato ang may alam sa kahalagahan ng palakasan, na itinatadhana mismo sa ating Saligang Batas? O, ­sadyang walang may pakialam na tutukan ang pagpapaunlad ng sports sa bansa?

Kawawang Philippine sports. Kahit pa natuldukan ang 97 taong paghihintay para sa kauna-unahang gintong medalya sa Olympic Games, na nakamit noong nakaraang taon sa Tokyo ni weightlifter Hidilyn Diaz. Bukod pa rito ang tatlong medalya ng ating mga boksingero – Nesthy Petecio (pilak), Carlo Paalam (pilak) at Eumir Marcial (tanso). Sa kabila ng mga tagumpay na ito, wala pa ring nagpapahalaga sa kapakanan ng ating mga atleta.

Ano kaya ang plano, halimbawa ni dating Senador Bongbong Marcos, VP Leni Robredo, Mayor Isko Moreno, boxing idol Manny Pacquiao at Ping Lacson – mga pangunahing kandidato sa panguluhan base sa mga survey — para mapanatili ang tagumpay na natamo ng ating mga atleta sa nakaraang Olimpiyada at noong 2019 SEA Games kung saan naging overall champion tayo.

Maliban kay Bongbong, na minsan ay aming nakapanayam at nabanggit ang kahalagahan ng sports base sa kanyang mga nakita sa pamamahala ng kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., wala nang iba pang kandidato ang nagpahayag ng pangangailangang suportahan ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng sports.

Marami ang nagtatanong sa SALA SA INIT… SALA SA LAMIG na mga atleta, coach at lider sa sports kung ang mga kandidatong tumatakbo ay makatutulong sa sports. At bagama’t hindi naging ugali ng kolumnistang ito na mag-endorso kung sino ang dapat malagay bilang pinuno ng bansa, baka ngayon ay mapilitan ang inyong lingkod na magbigay ng pangalan kung sino ang inaakala nating makatutulong sa sports sa bansa. ABANGAN!

177

Related posts

Leave a Comment