Kapag batas na ang SIM card registration MGA NAGTATAGONG KRIMINAL HINDI NA UUBRA

SA napipintong pagiging batas ng pagpaparehistro ng subscriber identity module (SIM) cards ngayong taon, sinabi ni Senador Win Gatchalian na hindi na uubra ang pagtatago ng mga kriminal dahil maaari na silang matunton ng mga alagad ng batas.

Ani Gatchalian, ang pangunahing nagsusulong ng SIM card registration bill mula pa noong nasa mababang kapulungan pa siya, ang ratipikasyon kamakailan lamang ng naturang panukalang batas ay maaaring magbunsod ng tiwala ng mga konsyumer at kumpiyansa ng mga negosyante sa gitna ng lumalawak na identity-linked digital services.

“Malapit nang maging batas ang SIM card registration at napapanahon lamang ito kasunod ng lumalagong e-commerce at digital services.

Makakatulong na ito sa pagsulong ng kumpiyansa ng mga konsyumer, magkakaroon pa ng karagdagang proteksyon laban sa mga kawatan,” sabi ni Gatchalian, isa sa may-akda ng Senate Bill 2395 o ang panukalang SIM Card Registration Act.

“Ang laganap na suplay ng prepaid SIM cards ay umaakit sa mga nais na makapanloko o magsagawa ng mga iligal na gawain. Hindi na mabilang ang mga kaso ng mga panloloko sa online platform ng mga taong gumagamit ng hindi rehistradong SIM,” dagdag pa nya.

Sinabi ni Gatchalian na laganap pa rin ang mga spam text message na nag-aalok ng mga pekeng part-time o work-from-home na mga trabaho pati na rin ang mga pekeng delivery bookings na nakakapambiktima rin maski na ng mga kilalang personalidad.

“Para sa marami nating kababayan na ang ikinabubuhay ay sa pamamagitan ng digital na transaksyon, malaking bagay na maisasalba sila sa tiyak na kapahamakan,” sabi pa ng senador.

Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga online lending scheme na gumagamit ng mapang-abuso at hindi tamang paraan ng pagkolekta ng utang ay matitigil na dahil ang public telecommunications entity (PTE) ay inaatasan nang magbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga kawatan kung ipag-uutos ng mga awtoridad at kung mapatunayan na kinakasangkapan ang mobile number o social media account para makapanira o makapagsagawa ng anonymous online defamation, hate speech, at iba pang kahalintulad na mga aktibidad.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang batas noong nakaraang taon, sinabi ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na noong 2020, umabot sa 6,110 ang mga naitala nilang cybercrime offenses at lima sa pinakamataas na krimeng naisagawa gamit ang prepaid SIM card ay may kinalaman sa online scams, online libel, computer-related identity theft o phishing, paglabag sa Anti-Pornography and Voyeurism Act, at pagbabanta.

“Kung gusto nating pigilan ang mga ganitong paglabag sa batas, kinakailangang i-regulate ang pagbebenta at pamamahagi ng mga SIM card sa pamamagitan ng pagtatatag ng registry o database ng validated na impormasyon ng awtorisadong may-ari nito,” sabi ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

172

Related posts

Leave a Comment