TINIYAK ni Senator Christopher “Bong Go” sa publiko na kapakanan at interes ng mga Pilipino ang pinaka-nangunguna sa mga prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng West Philippine Sea.
Sinabi ni Go na si Pangulong Rodrigo Duterte ang chief architect ng independent foreign policy ng bansa at kailangan nitong ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa international partners sa pagtugon sa COVID-19 habang tinitiyak ang interes ng bansa sa usapin sa teritoryo sa WPS.
Ayon kay Go, nais ng pangulo na isulong ang dapat isulong, ipaglaban ang dapat ipaglaban at isantabi muna ang dapat isantabi dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya at kailangan nating magtulungan.
Binigyang diin ni Go na tiwala siya sa judgment ni Pangulong Duterte sa isyu lalo pa at alam nito ang kanyang ginagawa para ipaglaban kung ano ang napanalunan ng bansa.
Dagdag pa ni Go na batid niyang layon ng lahat ng partido ang mapayapang settlement sa disputes na naaayon sa international law at sa treaty obligations kabilang na ang United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Samantala, hinamon ni Go sina retired Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na sila na ang magpatrolya at harapin ang Chinese Coast Guard sa nasabing teritoryo.
Dagdag pa ni Go na hindi mababawi ng pagdadaldal ng mga dating opisyal ang criminal neglect na nagawa ng nakalipas na administrasyon na nagresulta sa militarization ng China sa West Philippine Sea. (ESTONG REYES)
