KAPAKANAN NG OFW AT KANILANG PAMILYA ISUSULONG

UMAABOT na sa mahigit 164,368 ang kabuuang bilang ng mga OFW na naiuwi sa Pilipinas sa ilalim ng repatriation program ng Department of Foreign Affairs. Ayon ito sa datos na ipinalabas noong Setyembre 5, 2020.

Mahigit sa 104,515 ang bilang ng mga Land-based OFW at 59,853 naman ang mula sa hanay ng mga seafarers. Sa naturang bilang, 32,389 o katumbas na 76.1% dito ay nagmula sa Middle East, habang ang 4,423 o 10.4% ay nagmula sa Asia and Pacific, 4,109 o 9.6% mula sa Americas, 1,571 o 3.7% ang galing sa Europa at 91 o katumbas ng 0.2% ang nagmula sa Africa.

Ngunit hindi dyan natatapos ang bilang ng mga uuwing mga OFW. Katunayan sa bansang Kuwait pa lamang ay umabot na sa mahigit 7,116 ang mga OFW na umuwi sa bansa na lulan ng mga chartered flight na inareglo ng Philippine Embassy sa Kuwait sa pamumuno ni Chargé d’Affaires Mohd. Noordin Pendosina N. Lomondot na sinusuportahan ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Officer Atty. Llewelyn Perez.

Patuloy pa rin ang pagdating ng mga chartered flight mula sa ibat-ibang mga bansa. Dahil dito, maraming mga OFW leaders ang nagtatanong sa akin kung ano nga ba ang maaring asahan ng mga OFW na biglaan ang pag-uwi sa Pilipinas?

Bilang kinatawan ng mga OFW Land-based sector sa OWWA Board of Trustees ay aking isinulong ang programang Tulong Puso na kung saan ay maaring makatanggap ng mula sa halagang 250,000 hangang 1 milyon piso ang mga OFW na magsasama-sama bilang isang grupo na magtatayo ng negosyo. Nakadepende sa klase ng negosyo at bilang ng miyembro ang halaga na maaring matanggap ng bawat grupo.

Sa programang OWWA Tulong Puso ay masasabing walang maiiwanan na OFW. Kinakailangan kasi na 80% ng miyembro ay mga OWWA members kahit pa sila ay matagal ng nakauwi sa Pilipinas. At ang 20% ng miyembro ay maaring isama ang mga “irregular o undocumented” OFWs.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagpapatakbo ng negosyo ay mas malaki ang pagkakataon na magtagumpay na mapaunlad ang kanilang negosyo dahil sa sama-sama nitong pag-sisikap.

Marami kasing mga OFW na kulang ang kaalaman sa pagpapa-takbo ng negosyo dahil sa kanilang matagal na pagkawalay sa ating bansa kung kaya hindi nila kabisado ang takbo ng merkado. Kung kaya malaking bagay na siya ay may makakatuwang na ka-grupo sa pagsisimula ng negosyo.

Samantala, sa panig naman ng AKOOFW, ay aming muling isinusulong ang pagkakaroon ng OFW discounts para sa mga kasapi ng samahang AKOOFW na kinabibilangan ng OFW at pamilya ng OFW.

Sa programang OFW Discount benefits ay aming hinihimok ang mga establishments na malimit na puntahan ng mga OFW at ng pamilya nito katulad ng mga ospital, klinika, botika, restaurants at trasportasyon na magkaloob ng diskwento..

Ang diskwento na ibibigay ng mga establishments ay munting paraan para kahit paano ay maibsan ang malaking gastusin ng pamilyang OFW sa panahong ito ng kagipitan. Sa kasalukuyan, patuloy na nagbibigay ng diskwento ang The Medical City-Clark para sa mga miyembro ng AKOOFW kung kanilang ipipresenta ang kanilang AKOOFW membership card.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

133

Related posts

Leave a Comment