KAPAYAPAAN NG BANSA RESPONSIBILIDAD NG LAHAT NG PINOY – OPAPRU

PINANGUNAHAN ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang paggunita sa ika-21 anibersaryo ng pag-obserba sa National Peace Consciousness Month 2025 ngayong Setyembre.

Ang tema ngayong Peace Month ay “Mapayapang Bukas, Abot-Kamay sa Bagong Pilipinas”, bilang pagkilala sa nakamit na kapayapaan at pagdiriwang ng hinaharap na puno ng kapayapaan, pagkakaisa at respeto.

Sa pangunguna ni OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., pina-alingawngaw ang kampana ng kapayapaan (peace bell) bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng Peace Month nitong Lunes, Setyembre 1.

Dito ay hinikayat ni Sec. Galvez ang lahat ng mga Pilipino na makipagtulungan sa pamahalaan para mapangalagaan at maipagpatuloy ang nakamit ng kapayapaan.

Ayon sa kalihim, ito ay isang shared responsibility, hindi lamang ng pamahalaan kundi ng lahat ng sektor sa lipunan para maisakatuparan ang nagkakaisang mithiin.

Mungkahi ni Galvez sa lahat ng mga Pilipino na pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng kapayapaan para sa bawat isa at kung ano ang magagawa para sa pagsusulong ng kapayapaan, mutual understanding at pagkakaisa.

Matatandaan, idineklara ang buwan ng Setyembre bilang Peace Month sa bisa ng Presidential Proclamation No. 675 noong 2004.

(JESSE RUIZ)

64

Related posts

Leave a Comment