KUNG pagbabatayan ang inilabas na ulat ng Philippine National Police (PNP), may dahilan para maalarma ang publiko sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ayon sa PNP, mahigpit nilang binabantayan ang 488 munisipalidad at 58 lungsod na pawang pasok sa kategorya ng pagiging “election hotspots,” o yaong mga lugar kung saan posibleng sumiklab ang karahasang dulot ng mga sakim sa kapangyarihan.
Bagama’t higit na mababa ang talaan ng election hotspots para sa 2022 general elections kumpara sa inilabas na datos ng PNP tatlong taon na ang nakararaan, malinaw na nananatili ang banta ng isang madugong halalan. Dangan naman kasi, 33% ng 1,498 munisipalidad at 40% ng mga lungsod sa iba’t ibang panig ng bansa ang natukoy na election hotspots.
Ang totoo, bago pa man nagsisimula ang hudyat sa mga kandidato ng Commission on Elections (Comelec) para mangampanya, marami na ang nabiktima ng walang saysay na karahasang kalakip ng maruming pulitika. Sa kalagitnaan ng kampanya, tuloy pa rin ang pagdami ng napapaslang at hindi malayong madagdagan pa hanggang sa matapos ang bilangan.
Ang masaklap, walang datos ang PNP sa bilang ng mga pumanaw dahil sa maruming pulitika. Ilan na nga ba ang pumanaw mula noong maghain ng kani-kanilang kandidatura ang mga pulitikong puntiryang maupo sa pwesto?
Tugon ng PNP, mas maraming pulis ang kanilang itatalaga sa mga lokalidad na may banta.
Sa datos ng PNP, pumalo na sa 2,132 ang bilang ng kanilang dinakip dahil sa paglabag sa election gun ban. Subalit higit pa sa mga baril ang dapat nilang tutukan – ang mga private army ng mga pulitiko sa malalayong lalawigan.
Ang tanong – kaya ba nilang sumagupa sa libo-libong armadong tuta ng mga politiko sa malalayong probinsya? Sapat ba ang bilang ng mga pulis kumpara sa kanila? Paano sasagupa ang isang lokal na himpilan ng pulisyang swerte na kung mayroon man lang 30 tauhan laban sa libo-libong bayarang armada?
Bukod sa mga armadang banta sa integridad ng halalan, dapat din tutukan ang labis-labis na paggamit ng perang pambili ng boto ng mga botanteng maralita. Hindi rin naman angkop na iwaglit ang pandarayang gamit ang makabagong teknolohiya.
Sa puntong ito, higit na kailangan ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, election watchdogs at iba pang sektor ng lipunan kung nais natin ang isang tapat, maayos at mapayapang eleksyon.
Hindi sapat ang puro dada.
