KASIYAHANG HATID NG BASKETBOL SA GITNA NG PANDEMYA

NOONG ika-16 ng Hunyo, isang tagumpay na naman ang ating nakamit sa ­larangan ng basketbol.

Naging mahigpit ang laban sa pagitan ng Gilas ­Pilipinas cadet squad at ng Asian ­powerhouse na koponan ng South Korea noong FIBA Asia Cup qualifying basketball.

Mula sa kalamangan ng Koryanong koponan na ­umabot sa 17 puntos, nakabawi at nakahabol ang Gilas.

Sa kabila ng malaking lamang ng kalaban, naipanalo pa rin ng Gilas ang laban nang magtagumpay si SJ Belangel na maipasok ang three-point shot nito sa ­huling dalawang segundo ng laro.

Ang laro ay nagtapos sa iskor na 81-78.

Ito ay idinaos sa AUF Sports and Cultural Center sa Angeles, Pampanga.

Lubos ang kasiyahan at pagmamalaki ni Coach Tab Baldwin sa ipinamalas na ­galing ng kanyang koponan.

“It was exciting. I mean, you know, it’s a shame that we didn’t have 20,000 people in the MOA Arena ­watching. But we had a country behind us. We could feel how much the country wanted something positive, and I think we were all ­extremely proud to bring them something surprising,” pahayag ni Baldwin matapos ang laban.

Ako ay lubos na sumasang-ayon nang bitawan niya ang mga salitang: “It’s a great moment for Filipino basketball”.

Ang pagkapanalong ito ay nagtala ng 4-0 na record para sa Gilas sa Group A at siya ring nagbigay-daan patungo sa Asia cup na ­gagawin sa bansang Indonesia sa huling bahagi ng taon.

Ito rin ang sumunod na pagkakataon na tinalo ng Pilipinas ang Koryanong koponan mula noong taong 2013 FIBA Asia Championship na ginanap sa Maynila, kung saan tinalo ng koponan ng Pilipinas ang koponan ng South Korea para makapasok sa 2014 FIBA World Cup.

Isang bagay pa na dapat nating ipagdiwang ay ang ­balita ukol sa tagumpay ng Filipino-American na ­manlalarong si Jordan Clarkson.

Ilang linggo pa lamang ang nakaraan nang tinalo ni Clarkson sina Joe Ingles at ang guard ng Knicks na si Derrick Rose nang tanghalin siyang Sixth Man of the Year ng NBA.

Sa pagsisimula ng taon, sinabi na ni Clarkson na layunin niya na maitanghal bilang Sixth Man of the Year ng NBA.

Si Clarkson ay tunay na palaban at hindi sumusuko – mga katangiang likas sa ating mga Filipino.

Ang tagumpay ni Clarkson at ng Gilas ay tagumpay ng ­ating bansa.

Nawa’y ito ay magtuluy-tuloy at magsilbing inspirasyon sa mga batang atletang Filipino.

139

Related posts

Leave a Comment