NITONG Huwebes (Nobyembre 5), nagpakawala na naman si Pangulong Rodrigo Duterte ng pahayag laban sa mga korap at mandarambong sa pamahalaan.
Ang sabi ni Duterte: “Magbitiw kayo!”
Napakahina ng panawagang ito dahil hindi magbibitiw ang mga korap at mandarambong.
Ang mga opisyal nga ng mga ahensiyang nabisto, natumbok at napatunayang linabag ang mga batas sa mga paglulunsad ng kani-kanilang proyekto, sa pagpapasubasta at paggawad ng mga proyekto sa mga pribadong kumpanya, o kontratista, ay hindi nagbibitiw.
Kahit milyun-milyon hanggang bilyun-bilyon ang pera ng pamahalaan ang isyu ang nabanggit ay hindi nagbibitiw. Mga korap at mandarambong pa kaya!
Napakaraming tiwali, korap at mandarambong sa napakaraming ahensiya ng pamahalaan, pero walang nagbibitiw.
Napakaraming paliwanag at depensa upang patunayang walang batayan ang mga akusasyon laban sa kanila.
Huwag na nating pag-usapan pa ang nakaraan dahil nakabubuwisit talaga.
Hindi ko na babanggitin dito ang mga nabunyag na talamak na korapsyon at pandarambong sa Bureau of Customs (BOC) noong panahon nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña.
Ganoon din ang mga korapsyon at pandarambong sa Bureau of Corrections (Bucor) at New Bilibid Prison (NBP), Department of Health (DOH) at iba pa dahil hindi naman nagbitiw ang mga opisyal at kawani sa mga kagawaran at ahensyang ito kahit nakalulula nang husto ang mga ibinabalita sa media na nagaganap na katiwalian, korapsyon at pandarambong laban sa mga ito.
Itong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Immigration (BI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pag-usapan natin.
Kung hindi ako nagkakamali, si Ricardo Morales lang ang opisyal ng PhilHealth na nagbitiw.
Ang iba sa PhilHealth, BI at DPWH ay nanatili sa kani-kanilang puwesto.
Tapos, nagbitiw si Morales nang sabihan siya ni Duterte at ito ay dahil sa sakit.
Hindi sa napakalalang korapsyon at pandarambong na hindi man lang napigilan ni Morales mula nang maging pinuno siya ng PhilHealth noong Hulyo 2019.
Palagay ko, ang panibagong panawagan ni Duterte ay karugtong sa ipinag-utos niya sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang korapsyon sa buong pamahalaan.
Kung talagang galit na galit at gigil na gigil na si Duterte sa mga korap at mandarambong, pinakamahusay niyang gawin ngayon ay pakasuhan agad at tanggalin sa puwesto ang mga bataan ni satanas.
Gawin niya ito sa mga itinalaga niyang korap at mandarambong sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Simulan na niya sa Lunes (Nobyembre 9) para maganda ang laban.
‘Yan na lang ang atupagin ni Duterte habang magsasagawa na ang DOJ ng imbestigasyon sa DPWH, PhilHealth, Department of Agriculture (DA), Land Regulatory Administration (LRA) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sigurado akong matutukoy agad ni Duterte kung sinu-sino ang mga korap at mandarambong.
Mangyayari ito, kung pakikilusin niya ang mga pinagkakatiwalaan niyang mga intelligence unit, gamit ang P10 bilyong pondo sa trabahong paniniktik ng Office of the President (OP).
Kapag natukoy at nakakuha ng mga ebidensya, ipag-utos kaagad ni Duterte na sampahan ng mga kaso ang mga nadiskubre ng mga pinagkakatiwalaan niyang intelligence unit na mga korap at mandarambong na opisyal.
Tapos, agad niyang tanggalin sa puwesto.
Ngunit, kung ang panawagang pagbibitiw ay panibagong “communication tactics” lang ni Duterte upang patuloy na maging mabango at makakuha ng “pogi points”, pihadong walang patutunguhan ang sinasabing kampanya ng pangulo laban sa katiwalan, korapsyon at pandarambong.
Nakadikit lamang ito sa pagpapanatili ng mataas na sarbey sa pangulo.
Huwag nating maliitin ang mataas na marka ni Duterte dahil ginagamit ito ng politikong napakalapit at napakalakas sa kanya bilang materyal sa sarili nitong pagpapabango hanggang sa halalang 2022.
Ang politikong ito ay madalas na ring maglabas ng press release tungkol sa korapsyon sa panahong ito.
Pokaragat na ‘yan!
Akala mo, totoong tapat at seryosong matanggal ang katiwalian, korapsyon at pandarambong sa maraming ahensiya ng pamahalaan.
Dati, tahimik ang taong ito.
Ngunit, madalas nang magsalita ngayon.
Araw-araw na siyang naglalabas ng press statements tungkol sa mga isyu sa korapsyon, kalusugan, overseas Filipino workers (OFWs), pondo ng Bayanihan Act 2 at iba pa.
Minsan, ginawa ko ang press statement ng politikong ito tungkol sa ahensiyang mayroong sindikato ng mga korap at mandarambong na mga opisyal at kawani.
Nakalagay sa press release ang “tiwala” ni Pangulong Duterte sa nasabing opisyal.
Pokaragat na ‘yan!
142
