NAGLABAS ng paglilinaw ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ukol sa kanilang posisyon sa mungkahing pagbabawal ng paradahan sa mga lansangan sa Metro Manila.
“Our group of lawyers is perplexed as to why there is even a need to draft a new policy or ordinance to prohibit parking on public roads. There is no legislative vacuum that needs to be filled — the law already exists. What is lacking is not regulation, but implementation,” paliwanag ng grupo.
Dagdag pa nila, ang Republic Act No. 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, ay malinaw na nagbabawal sa pagparada sa mga pampublikong kalsada, maliban na lang sa ilang partikular at limitadong pagkakataon. Hindi binibigyang-halaga ng batas kung rush hour man o hindi — ang pagbabawal ay umiiral sa lahat ng oras, araw man o gabi. Alinsunod sa kasalukuyang batas, bawal ang pagparada sa mga lansangan 24/7, at tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), na ipatupad ito.
Anomang iminungkahing lokal na ordinansa o administratibong kautusan na naglalayong limitahan ang aplikasyon ng pagbabawal na ito — gaya ng paghihigpit nito sa mga oras lamang ng matinding trapiko — ay labag sa malinaw na nilalaman ng pambansang batas. Ang ganitong mga hakbang ay walang bisa dahil salungat ito sa RA 4136, batay sa matibay na doktrina ng pagiging kataas-taasan ng pambansang batas. Paulit-ulit nang ipinahayag ng Korte Suprema na para maging balido ang isang ordinansa, hindi ito dapat lumalabag sa umiiral na batas o sa Konstitusyon.
Kung tunay anila na nais ng MMDA o ng mga LGU na ipatupad ang parking ban na may oras, ang tamang paraan ay ang pag-amyenda ng batas. Dapat amyendahan ng Kongreso ang RA 4136 upang magdagdag ng probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa mga LGU na tukuyin ang mga lugar at oras kung kailan maaaring payagan ang pagparada sa kalye. Dapat tandaan na ang general welfare clause sa ilalim ng Local Government Code ay hindi sakop at hindi nagbibigay ng kapangyarihan para gumawa ng mga lokal na batas na taliwas sa pambansang batas.
“Until then, there is no need for further debate. The law is clear. The duty of the government is equally clear: enforce the law as written. All illegally parked vehicles on public roads must be apprehended, regardless of the time of day,” ayon pa sa LCSP.
(LEA BAJASAN)
