Kaugnay ng pananalanta ng ST Rolly DUTERTE 2 ULIT ‘ABSENT’ SA BRIEFING

SA ikalawang pagkakataon ay hindi na naman nakasama si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa government briefing kaugnay sa Super Typhoon Rolly (international name: Goni).

Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, araw kasi ng Linggo kaya hindi nakasama ang Pangulo sa nasabing briefing.

Ang pahayag ni Sec. Roque ay tugon sa tanong kung bakit absent sa ‘first ever government briefing’ hinggil sa super typhoon ang Pangulo at kahapon ay hindi rin nakita ang presensiya nito sa briefing.

“Well, dahil inaasahan po natin ‘yung landfall kahapon, at saka sa totoo lang po araw ng Linggo naman iyon,” ayon kay Sec. Roque.

Sa kabilang dako, hindi pa rin aniya sigurado kung bibisitahin ni Pangulong Duterte ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly.

“Depende po ito sa kung papayagan siya. He wants to at least do an aerial survey,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa hiwalay na briefing nitong Lunes ay sinabi naman ni Senador Bong Go na nakatakdang bisitahin ni Pangulong Duterte ang Legazpi City at iba pang lugar na apektado ng bagyong Rolly.

“Ang ating Pangulo ay mismong pupunta mamayang hapon (kahapon) doon sa mga lugar na tinamaan ng bagyo. ‘Yung mga hardest hit ay kanyang bibisitahin,” ani Go.

Sinabi pa ni Go na ang Pangulo ay nasa kanyang hometown sa Davao City at naka-monitor sa sitwasyon mula roon.

Aniya pa, nakahanda nang bumalik ng Maynila ang Pangulo ‘anytime should the weather permit it.’ (CHRISTIAN DALE)

137

Related posts

Leave a Comment