LABIS-LABIS ang aking pasasalamat sa mga opisyal ng ating embahada sa Saudi Arabia lalo na kay Ambassador Adnan Alonto.
Gayundin ang aking pasasalamat sa mga kinatawan ng Philippine Overseas Labor Office sa pamumuno ni Labor Attache Nasser Musta at sa mga Welfare Officers ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na sina Atty. Llewelyn Perez at Levy Rey Gabutan.
Kahanga-hanga at masasabi ko na sulit ang serbisyo na kanilang ipinagkakaloob para sa ating mga OFW. Bagaman, may ilang pagkakataon na minamasama ng ilang mga volunteer advocate ang kanilang mga nagiging hakbang, ngunit aminin man o hindi ay mas maraming mga tama at nakakatulong ang kanilang nagagawa para sa mga OFW.
Sa pagkakataong ito ay isa na namang paghingi ng saklolo ng isang OFW ang ipinarating sa akin ng aking kaibigan mula sa DZRH at FR News TV na si Florante Rosales ang ating bibigyan ng pansin.
Ang tinutukoy ko ay ang paghingi ng tulong ni OFW Elenita Mallare Samson na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia.
Siya ay dineploy o nakarating sa nasabing bansa sa tulong ng PHILCO Human Resources Services Co. bilang kasambahay.
Ibig na niyang makauwi sa Pilipinas dahil sa hindi maayos na pagtrato sa kanya ng kasalukuyang employer.
Matagal na niyang hiniling sa kanyang ahensya na PHILCO Human Resources Services Co. na siya ay pauwiin na lamang, ngunit ang tanging tugon sa kanya ay dapat na bayaran na muna niya ang lahat ng ginastos ng ahensya bago sya pauwiin ng Pilipinas. Sinabi rin diumano ng kinatawan ng ahensya na siya rin ang bibili ng sarili niyang tiket sa eroplano.
Narito ang kumpletong salaysay ni OFW Samson “ang sabi po ng agency ko pinas ibalik ko daw lahat ng ginastos ng employer ko at ako daw bumili ng ticket na halagang 3,700 kung gusto ko daw maka uwi.
Wala ako sa tunay kong amo asa biyenan ako wala sarili room, palipat lipat sala room wala pareho lock nagkasakit sa kamay di pinagamot nagkabukol sa leeg di pinagamot tapos june 2 nakita nagsusuka kaya june 3 pina-doktor nakita may impeksyun sa baga at siya na nag bayad sa doktor at gamot ng magreklamo pamilya ko sa POEA saka lang binayaran yung pinampa-doktor ko pero tuloy pa din sa pagtatrabaho, kaya ngayon masakit na dibdib at likod ko, hinang-hina na katawan ko nanginginig mga katawan ko nang lalambot kasi ako at kulang sa pahinga at pag kain.
Tira-tira lang binibigay na pagkain kaya bumibili na lang ako ng kape, gatas, palaman, sabon, gamot pati uniporm ko ako pinag bayad kaya humihingi ako ng tulong na makauwi na at makapag pagamot sa
Pilipinas at maalagan ng pamilya ko, nakiki-usap po ako na matulungan ninyo ako.
Simula pa lang nagsasabi na ako sa agency ko Pinas tungkol sa pagkain at sakit ko di naman ako matulungan.
Kaya po ngayon hiling ko na sa POLO na ako mag-hintay ng paguwi ko baka ibenta pa ako ng agency sa kagustuhan na makuha ang ibinayad ng amo at para mapahinga din po sa POLO kasi para makabawi ng kaunting lakas ng katawan ko na konti na lang po bibigay na ang katawan ko.”
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
