KAALAMAN Ni MIKE ROMERO
AGRIKULTURA at pagsasaka ang kadalasang paboritong paksa ng mga taong nakikisimpatiya lalo na kung ang pag-uusapan ay ang seguridad sa pagkain.
Lahat magagaling, lahat may komento pero sa totoo lang, karamihan sa mga nagbibigay ng kanilang opinion ay mga taong ‘di man lang nakatapak ng putik, ‘di man lang nasubukang hawakan ang lubid ng kalabaw.
‘Di nga nila alam kung paanong nalulugi ang mga farmer at kung paanong pinaglalaruan ng mga nakaupo ang mga mgsasaka.
Lalo iyong mga nasa laylayan ng lipunan, iyong mga taong umaasa lang talaga sa kikitain ng kanilang bukid, sila ‘yung totoong apektado rito.
Hindi ‘yung mga samahan na ang daming hinihiling ngunit pansariling interes na lamang ang kanilang mga hinaing.
Nagtataka ako rito talaga sa ating bayan, ‘yung iba naman, may nakausap lang na may-ari ng agricultural products, nabola nang konti, ayon mas magaling pa sa mga dekada na sa bukid.
Kahit saan hindi nawawala ang korapsyon, kasama na ang panggugulang, lahat pinupulitika.
Bakit nga ba ang Department of Agriculture officials, ‘pag nagpunta sa isang barangay para bumuo ng farmers association, ang pupuntahan si kapitan?
Si kapitan naman, ipatatawag lamang niya ay ang kanyang mga kaalyado para dumalo sa meeting.
Kung sino ang gusto ni kapitan na mamuno ay siyang nananalong beneficiaries n’ya, hindi talaga napupunta sa karapat-dapat, dahil kung anong bulong ni kapitan ay hindi kayang pahindian dahil nga naman, siya ang host sa mga pagkain.
At lahat sana may sariling data ang ahensya kung sino ang mga taong dapat nilang hanapin, nagbigay ng mga makina para sa pagsasaka, makikita mo laging may parte si kapitan sa kita ng mga makinang iyan.
Libre raw ang mga makina, pero subukan n’yo puntahan ang farmers, sasabihin nila, binabayaran nila ‘yan.
Tanong, saan napupunta ang hinuhulog nila buwan-buwan? ‘Yun ang ‘di ko alam, at ang malupit, dahil may sinasaka si kapitan, nauuna na rin ang kanyang taniman at kapag hindi kasama sa kampanyahan, malamang sa malamang, ‘pag ikaw na ang susunod, sasabihin nila sira ‘yung ganito.
Lahat na may sira, kawawang Juan Dela Cruz, ultimo sa munting pinagkakakitaan, napagkakaitan.
Karamihan sa mga sakahin sa Gitnang LUZON, isang hektaryang lupa, 120 kaban ang pinakamaraming ani.
Sa amin sa Pangasinan, 100 na kaban sa isang hektaryang lupa, masaya na kami, darating ang mga nagmamarunong, ito ‘yung mga nakarinig lang ng seminar, alam na nila lahat ang formula ng sakahin.
Ito ‘yung mga taong napangakuan ng konti, lahat na kaya rin nilang ipangako.
Lalapit kay kapitan, lalapit sa mga technician, may mga dalang paninda, nakabubuti raw at maraming pangako, pangako na madadagdagan ang ani at liliit ang puhunan.
Ang pobreng magsasaka, magsasanla ng ani para lang dito, ang resulta nang hindi nadagdagan ang ani, sila sinisisi sa maling paggamit, lahat ng klase ng excuses ay sasabihin na, ang sa akin lang, mga kapitan, mga technician, ‘wag kayong mag-endorse ng hindi pa subok para lamang kayo kumita.
Ang mga tao, lalo na ‘pag kayo ang nag-endorse ay maniniwala ‘yan, ‘di na ninyo iniisip ang kapakanan ng maliliit na mga magsasaka.
Hayaan n’yo muna na kayo na lang ang mag-testing o maunang mag-exhibit, bantayan natin ang ating kapwa dahil karamihan sa mga iyan, nagtitiwala lang sa mga namumuno dahil ilan sa kanila ay salat din sa kaalaman.
‘Wag nating hayaan na laging nagagamit ng mga tuso ang mga taong kulang sa kaalaman, sana lahat ng mga pumapasok na mga naggagaling-galingan ay dumaan muna sa tamang proseso at tamang mga pag-aaral.
Pakiusap natin sa mga opisyal ng barangay, pangalagaan at proteksyunan natin ang ating mga kabarangay para hindi nagagamit ng mapagsamantalang tao ang inyong nasasakupan.
oOo
For any reaction, pls. contact: 0939-168-3316.
