MAY kumikita sa face shield kaya ayaw ng Inter-Agency Task Force (IATF) at maging ng Department of Health (DOH) na isuko ang paggamit nito sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa ospital na lang ito dapat gamitin.
Ito ang suspetsa ni ACT party-list Rep. France Castro sa patuloy na pagkontra ng IATF at DOH na tuluyang alisin ang paggamit ng face shield.
“Obviously sa likod nito meron financial reason bakit patuloy pa ring ipinagagamit ang face shield,” ani Castro kaya kahit walang scientific basis na nakatutulong ito bilang pangontra sa COVID-19 ay patuloy pa rin itong ipinagagamit.
Ayon sa mambabatas, alam ng IATF at DOH na walang matibay na basehan na nakatutulong ang face shield para maproteksyunan ang mga tao sa COVID-19 pero patuloy pa rin nila itong ipinagagamit sa mga tao paglabas ng kanilang bahay.
“Halatang-halata naman po na may iba’t ibang interest. Kung titingnan mo ang iba’t ibang pahayag sa mismong miyembro pa ng IATF, ng DOH, iba-iba ang kanilang posisyon kaugnay ng paggamit ang face shield,” ani Castro.
Hindi nagbanggit ang mambabatas kung sino ang mga maaaring nakikinabang sa face shield na inangkat pa sa China, subalit base sa mga kumakalat sa social media, “asawa ng mambabatas” ang importer ng face shield.
Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na dinadagdagan lang ng gobyerno ang gastusin ng mamamayan sa patuloy na pagpapagamit sa face shield kaya dapat na aniya itong ibasura.
Bukod dito, sinusuportahan ng gobyerno ang mga manufacturer ng face shield sa China sa ginagawa nilang ito imbes na ibuhos na lamang ang pera ng mamamayan sa lokal na produkto.
Sa ngayon ay tanging Pilipinas umano sa buong mundo ang gumagamit ng face shield na lalong kaduda-duda. (BERNARD TAGUINOD)
